SIM Card Registration Act pirmado na ni PBBM

SIM Card Registration Act pirmado na ni PBBM

By Liezelle Soriano

MANILA — Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang SIM Card Registration Act na naglalayong pigilan ang mga kriminal at manloloko sa paggamit ng mga cellular phone upang biktimahin ang mga Pilipino.

Sa paglagda sa Republic Act No. 11934 (RA 11934) o ang SIM Card Registration Act, sinabi ni Marcos na ang batas ay magbibigay ng mabisang paraan ng pagre-regulate sa pag-iisyu ng subscriber identity module (SIM) cards upang pigilan ang pagkalat ng spam text messages at scam, na matagal nang na-overdue.

“We will soon be able to provide law enforcement agencies with the tools needed to resolve crimes perpetrated with the use of SIM Cards, as well as provide a strong deterrence against the commission of wrongdoing,” ani Marcos.

Binanggit ng Punong Ehekutibo na sa paglaganap ng mga ulat ng iba’t ibang krimen gamit ang mga mobile phone at pagkalat ng text scam at spam, malugod na tatanggapin ng publiko ang bagong batas.

Pinuri rin niya ang mga miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan at Senado sa pagbuo ng napapanahon at komprehensibong batas, na siyang unang panukalang pambatas na matagumpay na nakapasa sa pag-apruba ng bicameral panel ng parehong kapulungan sa 19th Congress.

Ito ang unang batas na nilagdaan ni Marcos.

Nais tiyakin ng administrasyon ni Marcos na magagamit ang teknolohiya upang mapabuti ang buhay ng ating mamamayan.

“Moving forward, it is my hope that we will be able to enact even more similar measures to help bring forth the security, progress, and prosperity we aspire for the Filipino and for the entire nation,” wika pa ng Pangulo.

Ang batas ay nag-uutos ng pagpaparehistro ng lahat ng mga SIM card, na nangangailangan ng bawat pampublikong telecommunication entity o direktang nagbebenta na magpanatili ng isang SIM Card Register ng lahat ng kanilang mga subscriber, na naglalaman ng lahat ng impormasyong kinakailangan sa ilalim ng batas.

Kinakailangan din nilang hilingin sa mga end user ng mga SIM card na magpakita ng wastong dokumento ng pagkakakilanlan upang ma-validate ang kanilang mga pagkakakilanlan. (ai/mtvn)

Leave a Reply