Sunog sa QC, 6 ang patay

Sunog sa QC, 6 ang patay

Hindi magkamayaw at gulantang ang mga Scene of the Crime Operatives (SOCO) at ilang mga kawani ng Barangay at mga bumbero sa dami ng body bag na inilalabas mula sa loob ng gusaling nasunog sa Block 2, Lot 14, Cortier Street, Villa Corina Subd. Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.

Naganap ito matapos na maapula ang sunog pasado alas-3 na ng madaling-araw o mahigit isang oras mula nang magliyab ang residential building dakong alas-2 ng umaga ng Sabado.

Anim (6) ang nasawi at tatlo rito ay mga bata pa na ayon kay SFO4 Rolando Valenia, imbestigador ng QC BFP, dalawa sa mga biktima ay natagpuan sa ground floor ng bahay habang ang ina at anak nitong dalawang (2) taong-gulang ay natagpuan sa hagdanan. Ang dalawang menor de edad ay natagpuan sa ikalawang palapag ng bahay.

Batay sa pwesto ng mga biktima, napagalamang sinubukan pa nilang makalabas mula sa gusali pero na-suffocate ang mga ito at nabagsakan ng debris habang nasusunog ang bahay.

Sinubukan naman daw ng mga kapitbahay na sila ay iligtas ngunit nakalock ang gate sa bahay at puro rehas na bakal ang mga bintana na wala ring fire exit.

Sa ngayon, kasalukuyan pang inaalam ng mga imbistigador mula sa BFP ang pinagmulan ng sunog. (Peter Lacang/BC/ai/mtvn)

Leave a Reply