Bilang ng kabataang nagyoyosi, umiinom kumaunti — UPPI

Bilang ng kabataang nagyoyosi, umiinom kumaunti — UPPI

Ni Liezelle Soriano

OnlyMyHealth.com photo courtesy 

MANILA — Bumaba na ang bilang ng mga kabataang nagbibisyo tulad ng paninigarilyo at pag-inom noong nakaraang taon, ayon sa isang pag-aaral.

Batay sa datos ng UP Population Institute (UPPI) noong 2021, bumaba ang bilang ng mga taong nasa edad 15 hanggang 24 na naninigarilyo, umiinom, at gumagamit ng droga.

Bumaba ang bilang ng mga kabataang naninigarilyo mula 20 porsiyento noong 2013 sa 12 porsiyento noong 2021.

Samantala, ang bilang ng mga kabataan na umiinom ng mga inuming nakalalasing ay nasa 29 porsiyento na lamang noong 2021 mula sa 37 porsiyento noong 2013.

“Isang factor is because of the pandemic, hindi sila nakakalabas. Drinking is a social activity so tsaka meron ding mga liquor ban. Pwede ring mas may appreciation to healthy lifestyle like for example with smoking and COVID-19 kasi yung ano mo is respiratory,” ayon kay Dr. Elma Laguna, assistant professor sa demography ng UPPI.

Sinabi ni Laguna na maaaring naapektuhan din ng Sin Tax Law ang pagkonsumo dahil tumaas ang presyo ng mga sigarilyo at alcoholic drinks.

Hindi bababa sa 16 porsiyento ng mga kabataan ang sumubok ng vape, habang 0.1 porsiyento ang sumubok na gumamit ng droga, bumaba mula sa 2.4 porsiyento noong 2002.

“Puwedeng i-explore ano ‘yung tama nating ginawa para maengganyo silang iwasan ang mga bisyo or yung sigurong mga programa para mas mapromote pa ang healthy lifestyle,” ani Laguna. (ai/mtvn)

Leave a Reply