‘GUNMAN’ NI PERCY NATAKOT SA KANYANG BUHAY KAYA SUMUKO

‘GUNMAN’ NI PERCY NATAKOT SA KANYANG BUHAY KAYA SUMUKO

Ni Arwen Pascua

MANILA — Dahil sa takot at alam na marami ang maaaring magsuplong sa kanya bunsod ng P6.5 milyon na bounty, sumuko sa pulisya ang isa sa umano’y anim na suspek sa pamamaslang sa broadcaster na si Percival Mabasa o mas kilala sa pangalang Percy Lapid.

Iprinisinta sa mga mamamahayag sa Camp Crame ni Interior Secretary Benhur Abalos nitong Martes (18 Oct 2022) kasama sina Philippine National Police Officer-In-Charge Police Lt. Gen. Rhodel Sermonia at National Capital Region Police Office Director Police Brig. General Jonel Estomo ang sumukong suspek.

Ayon kay Abalos, kusang sumuko sa PNP ang suspek na nakilalang si Joel Estorial dahil sa takot sa kanyang buhay.

Sinabi ni Abalos na nag-execute na ng extra-judicial confession ang suspek kung saan inamin nito na siya ang bumaril kay Lapid.

Itinuro rin ng suspek ang dalawa niyang kasamahan na sina Edmund at Israel Dimaculangan, na kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad.

Sa press conference sa Camp Crame, sinabi ni Estorial na may nag-utos lamang sa kanila mula sa loob ng “bilibid” para itumba si Lapid.

Sabi pa ni Estorial, anim sila sa team na naghati-hati sa P550,000 bilang kabayaran sa pagpatay kay Lapid, kung saan P140,000 ang natanggap niya.

Sinabi naman ni PNP OIC Sermonia na ito ay isang breakthrough sa kaso, at nagpapatuloy pa sa ngayon ang imbestigasyon upang mahuli ang mastermind at iba pang mga kasabwat sa krimen. (ai/mtvn)

Leave a Reply