Kabataan solon naalarma sa ulat ng pananakit sa sarili, pagpapakamatay ng mga estudyante

Kabataan solon naalarma sa ulat ng pananakit sa sarili, pagpapakamatay ng mga estudyante

Ni Liezelle Soriano

MANILA — Dapat magbigay ang gobyerno ng accessible na mental health services para sa mga tao, lalo na sa mga estudyante sa likod ng napaulat kamakailan tungkol sa mga mag-aaral na sinasaktan ang kanilang mga sarili, o nagpapakamatay, ayon kay Kabataan Party-List Rep. Raoul Manuel.

Sa isang pahayag, sinabi ni Manuel na ang mga ulat kamakailan hinggil sa mga mag-aaral na nagpakamatay ay hindi dapat ituring na isolated, dahil ang krisis sa edukasyon ay maaaring mag-trigger o magpalala ng krisis sa kalusugan ng isip sa mga mag-aaral.

Tinutukoy ng mambabatas ang insidente kamakailan sa Mandaue City kung saan isang 19-anyos na lalaking nursing student ang sinasabing nagpakamatay pati na ang isang pang napaulat na nagpakamatay rin na isang senior high student sa Motiong, Samar.

“Hindi ito isolated cases at lalong hindi ito guni-guni lang. Malinaw na ang ‘di pa nareresolbang krisis sa edukasyon ay nagpalala ng krisis sa mental health. Huwag sana nating bigyan ng labis at bulag na papuri ang paghihirap ng mga kabataang nagsusumikap na mag-aral ng mabuti,” aniya.

“Dapat magkaroon ng abot-kamay at abot-kayang mental health services para sa lahat ng maaaring mangailangan ng higit pa sa mga hotline. Mainam na ma-review din ang pagpapatupad sa Mental Health Act at matiyak ang sapat na pondo para rito sa pambansang badyet,” dagdag pa niya.

Ayon kay Manuel, bahagi ng ligtas na pagbabalik sa mga paaralan, pangunahin ang harapang klase, ay ang pagprotekta sa mga mag-aaral mula sa mga isyu sa pisyolohikal at mental.

“Bahagi dapat ng ligtas na balik-eskwela ang kaligtasan sa sakit, pisikal man o mental. Kasama rito ang pagtugon sa mga problema sa kabuhayan tulad ng ayuda, trabaho at iba pa,” pahayag pa niya.

(ai/mtvn)

Leave a Reply