Marcos, hinikayat ang mga Pinoy na maglakbay sa bansa para mapanumbalik ang sigla ng lokal na turismo

Marcos, hinikayat ang mga Pinoy na maglakbay sa bansa para mapanumbalik ang sigla ng lokal na turismo

Ni Liezelle Soriano

MANILA — Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na naghahanap ang kanyang administrasyon ng mga paraan para palakasin ang turismo ng bansa at isa rito ang mas masiglang pagtangkilik ng mga PIlipino sa lokal na turismo.

Hinikayat ng Pangulo ang mga Pilipino na maglakbay sa buong bansa para tulungan ang mga negosyo at mga manggagawa na makabalik matapos ang dalawang taon na lugmok ang industriya dahil sa pandemya.

“Simula’t simula pa lang ay tinukoy na natin ang industriya ng turismo bilang isa sa mga magiging susi natin para pasiglahin muli ang ekonomiya lalo na sa kanayunan,” sinabi ni Marcos.

“Alam nating lahat kung gaano kalawak ang magiging mga negosyo at mga trabahong malilikha kapag naging matagumpay ang kampaniya natin sa turismo,” dagdag pa niya.

Sinusuportahan ng gobyerno ang paglikha ng mga bagong atraksyong panturista tulad ng paglalagay ng mga ilaw sa San Juanico Bridge, at ang pagtatayo ng mga bagong runway sa paliparan ng Ormoc, ayon pa sa Pangulo.

“Isa sa importanteng bahagi na gagampanan ng pamahalaan ay ang gawing mas accessible ang mga probinsya,” aniya.

“Kapag mas madaling puntahan, marami ang mas maeengganiyong dumalaw. Marami rin ang papasok na pera sa probinsya,” dagdag pa ng Pangulo. (ai/mtvn)

Leave a Reply