Layuning maiangat ang serbisyong medikal para sa tao unti-unti nang naisasagawa ng liderato ng Maynila

Layuning maiangat ang serbisyong medikal para sa tao unti-unti nang naisasagawa ng liderato ng Maynila

MANILA — Unti-unti nang naisasakatuparan ni Mayora Dra. Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ng lungsod na ito ang kanyang pinangakong layunin na maiangat ang antas ng kalidad ng serbisyong medikal ng kanyang kinasasakupan ngayong Miyerkules (26 Oct 2022) sa Sta. Ana Hospital.
Pinangunahan nila ni Bise Alkalde John Marvin “Yul Servo” Nieto ang Groundbreaking Ceremony ng Blood Bank building at pinasinayaan din nila ang Ambulatory Surgical Clinic sa nabanggit na ospital.
Kasama nila ang Presidente ng Jaime V. Onpin Foundation, Inc. na si Reynaldo Bautista na siyang nagbigay ng pondo upang maisakatuparan ang blood bank, ang Executive Director ng Operation Smile na si Emiliano Romano na kasangga ng nasabing ospital sa pagpapagawa ng pinasinayaang ambulatory surgical clinic, at and direktor ng Sta. Ana Hospital na si Dra. Grace Padilla.
Naroroon din ang direktor ng Manila Health Department na si Dr. Arnold Pangan, at sila Konsehal Elmer “Joel” Par at dating Konsehal Christian Uy ng ika-anim na distrito ng lungsod.
Ang ipatatayong gusali ay higit na makatutulong sa mga pasyenteng nangangailangan na masalinan ng dugo.
Samantala, ang pinasinayaang gusali naman ay makatutulong na maiwasan ang pagkaantala ng iskedyul ng mga operasyong hindi nangangailangan ng pagpapaospital.
Kasabay nito ang paglulunsad ng programang “Zero Cleft Manila” kung saan layunin nitong maagang matuklas at mabigyan ng libreng tulong medikal ang minor na Batang Maynila na may bingot (cleft lip or cleft palate).
Nagpasalamat ang Punong Lungsod sa mga mabubuting loob na naging kasangga ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa patuloy na pagbibigay ng kalidad na serbisyong medikal.
Hinikayat rin niya ang mga Manileño na may kakayahan na makapagdonate ng kanilang dugo upang makatulong sa mga nangangailangan nito. (Kiara Lauren Ibanesz/BC/ai/mtvn)

Leave a Reply