PNP nagposte ng 5K+ public assistance desks sa mga sementeryo sa buong bansapara sa Undas

PNP nagposte ng 5K+ public assistance desks sa mga sementeryo sa buong bansa
para sa Undas

Ni Arwen Pascua

MANILA — Aabot sa 5,784 police assistance desks (PADS) ang ikinalat ng Philippine National Police (PNP) sa mga pampublikong sementeryo sa buong bansa pati na sa mga memorial parks, at columbariums.

Sinabi ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na inatasan na niya ang mga unit commander na mahigpit na ipatupad sa kanilang mga tauhan ang pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa bansa.

Bukod dito ay muli ring nagpaalala ang PNP chief sa publiko na sumunod sa mga ipinatutupad na mga alituntunin sa mga sementeryo at memorial parks at huwag nang magdala pa ng mga ipinagbabawal na kagamitan tulad ng baril o anumang deadly weapon, ilegal na droga, nakakalasing na inumin, gambling paraphernalia, at malalakas na sound system.

Samantala, nagpakalat na rin naman ng mga rolling police mobile outpost at tactical motorcycle units ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa buong Metro Manila.

Kasabay ito ng kanilang pagdedeploy ng kapulisan sa buong rehiyon upang magbantay laban sa mga mapagsamantalang masasamang loob ngayong panahon ng Todos los Santos.

Nagtalaga rin ang NCRPO sa area of convergence tulad ng transport hubs sa Metro Manila.

Kabilang na rin dito ang kanilang mga rolling mobile police outpost na may gulong na pwedeng hilahin ng mga pulis patungo sa mga lugar na kinakailangan habang inatasan na rin aniya ang kanilang mga tactical motorcycle units para sa regular na pag-iikot sa iba’t-ibang bahagi ng Metro Manila bilang bahagi ng kanilang pagbabantay. (ai/mtvn)

Leave a Reply