UNDAS 2022 UPDATE: Mga dalaw sa Manila North Cemetery malamang na pumalo sa isang milyon

UNDAS 2022 UPDATE: Mga dalaw sa Manila North Cemetery malamang na pumalo sa isang milyon

Ni Benjamin Cuaresma

MANILA — Inaasahan ng pamunuan ng Manila North Cemetery na lalo pang dadagsa ang mga dadalaw ngayong araw ng Undas.

Kaya ngayon pa lamang ay nakikipag-ugnayan na ang MNC sa Manila Police District at sa iba pang force multipliers upang doblehin ang pagbabantay sa seguridad pati na ang pagtugon sa mga ordinansa ng lungsod para sa mga pupunta sa nabanggit na sementeryo.

Nabatid na kahapon, pumalo na sa halos 50,000 ang bilang ng mga nagtungo sa Manila North Cemetery. Inaasahan itong umabot pa sa isang milyon o mahigit pa sa araw mismo ng Undas.

Mahigpit na pinaalala ng Manila North Cemetery at ng Manila LGU, na huwag na munang isama ang mga bata lalo na kung hindi fully vaccinated.

Ganoon pa man, may mangilan-ngilan na mga magulang na may akay-akay na mga bata na nagtutungo sa sementeryo.

Ang senior citizens ay pinagbawalan din muna na huwag magtungo sa mga sementeryo lalao na sa kasagsagan ng mga dumadalaw.

Kaninang alas-4 pa lamang ng madaling araw ay dumagsa na ang dalaw dito sa Manila North Cemetery kung saan umabot sa 5,815 ang naitalang bilang ng MPD na bumisita bago mag-alas-7 ng umaga.

Paalala naman ng MPD, sarado ang ilang kalsada patungo Manila North Cemetery partikular ang Dimasalang, Maceda, Retiro, Blumentritt at Aurora Blvd.

Sa kabila ng pabugso-bugso at manaka-nakang pag-ulan, ay halos ‘di mahulugan ng karayom sa dami ng mga taong dumadalaw sa kani-kanilang puntod ng kanilang mahal sa buhay ang nasabing sementeryo.

Bukod dito ay sari-saring mga ipinagbabawal din na mga kagamitan ang nakumpisla ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD). (ai/mtvn)

Leave a Reply