Marcos, nais magtayo ng DPWH district office sa BARMM

Marcos, nais magtayo ng DPWH district office sa BARMM

Ni Liezelle Soriano

MANILA — Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan nitong Martes na magtayo ng district office sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ito ang panawagan ni Marcos matapos tumama ang Severe Tropical Storm Paeng sa BARMM at sa iba pang bahagi ng bansa.

Sa isang situation briefing sa Maguindanao, tinanong ng Pangulo kung sino ang magsasaayos ng mga nasirang tulay sa lugar kung saan tumugon si BARMM Interior Minister Naguib Sinarimbo na mayroong project management unit ng DPWH national office ang BARMM.

“You have no…? Why? You do not have a district office in the Bangsamoro? You should have a district office para hindi—that’s just a management office. You need—pagka ganito, you need a district office. Bakit wala pa tayong…? Sec. Manny, ba’t wala pa tayong district office,” ayon sa Pangulo.

Bilang tugon, sinabi ni Bonoan na ito na ang kaayusan mula nang itatag ang BARMM.

Sinabi noon ni Marcos na mas madaling gumawa ng mga nasirang tulay at kalsada kung mayroong umiiral na opisina ng distrito.

“You should look into that because it will make everything much easier kapag may district office na that is designated to the BARMM area,” sinabi niya kay Bonoan.

“That’s why I asked about the bridges kasi ‘yan ang pinakamahirap ayusin eh. Generally speaking, ‘yung kalsada more or less nagagawa ‘yan relatively quickly,” dagdag niya. (ai/mtvn)

Leave a Reply