Kadiwa Pasko Project ng Maynila bukas na sa publiko

Kadiwa Pasko Project ng Maynila bukas na sa publiko

Ni: Benjamin Cuaresma

MANILA — Bilang paghahanda ng lungsod na ito sa parating na Kapaskuhan, inilunsad na ngayong araw ang Kadiwa Pasko Project (KPP) sa Rizal Avenue Covered Court Sports Athletic Club (RASAC) sa Sta. Cruz, Maynila.

Pormal itong binuksan sa publiko dakong alas-10 ng umaga nitong Sabado (November 05, 2022).

Layunin ng KPP na i-promote at i-market ang mga produktong agri-fishery ng mga lokal na magsasaka at mangingisda upang tumaas ang kanilang kita at para na rin makabli ang publiko ng mas murang panghanda sa hapag-kainan.

Layunin din ng napapanahong kaganapan na ito na matugunan ang posibleng pagtaas ng presyo ng mga agricultural goods sa National Capital Region dahil sa nalalapit na Christmas Season.

Dinaluhan ito ng Department of Agriculture (DA) at ng iba’t ibang kooperatiba ng mga magsasaka at mangingisda, farmers group, at agri-based enterprises.

Sa pangunguna ni Department of Social Welfare and Development Usec. Jherico Javier, nakibahagi rin ang ahensya sa kaganapan at bitbit nito ang mga proyekto at produktong gawa mula sa home for the aged, center for women, mga PWD’s at mga inabusong kababaihan.

Ang mga dumalo sa DSWD ay mula sa CAR, Region III, IV-A at Region V na nagbenta agad ng mga gulay, prutas, isda, itlog, bigas, at dairy products at iba pa.

Upang maisulong ang BBM Sugar sa publikong kumokonsumo, inimbitahan din ng DA ang Sugar Regulatory Administration (SRA) na magbenta ng BBM Sugar na nagkakahalaga ng P70 bawat kilo lamang.

Kabilang pa sa inimbitahan ay ang Department of Trade & Industry (DTI) at ang mga nasa lokal na MSME na magbenta ng mga de-lata, keso, tinapay, at iba pang pangunahing pangangailangan.

Bukod sa makakamura ang mga mamimili, makakapagpalakas din ito sa kabuhayan ng hanay ng mga magsasaka at kooperatiba.

Ang DA bilang nangungunang ahensya ng programa, ay patuloy na makikipag-ugnayan sa Office of the President Presidential Management Staff (OP-PMS) at mga miyembrong ahensya ng Technical Working Group (TWG) tulad ng DTI, Department of Trade and Industry (DTI), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Labor and Employment (DOLE) para sa listahan ng mga lugar sa NCR kung saan ipapatupad ang KPP at posibleng pagpapalawak ng proyekto sa iba pang mga rehiyon.

Naging panauhin din sa Kadiwa launch at nakibahagi rin sa pamimili sina Manila Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo Nieto, Congressman Harry Anping, Presidential Management Staff Sec. at dating Congresswoman Zenaida Anping, DTI Assec. Dominic Tolentino, at DTI Usec. Bless Lantayona.

Tuloy-tuloy naman ang dating ng mga mamimili mula sa iba’t ibang lugar sa Maynila at karatig-lungsod upang mamili sa KPP.

Hindi nakadalo si PBBM na siya ring kasalukuyang DA Secretary ngunit nagpaabot siya ng video message ng pasasalamat sa mga nakilahok at namili sa isinagawang proyekto ng pamahalaan. (ai/mtvn)

Leave a Reply