PAYATAS B ELEM SCHOOL NAGDADALAMHATI; GURO NA NASAWI SA BATAAN TRAGEDY NAIUWI NA

PAYATAS B ELEM SCHOOL NAGDADALAMHATI; GURO NA NASAWI SA BATAAN TRAGEDY NAIUWI NA

Ni Arwen Pascua

GMA Network photo courtesy

MANILA — Labis ang pagdadalamhati ngayon ng mga guro, kawani at estudyante ng Payatas B Elementary School sa Quezon City dahil sa pagkamatay ng isang guro rito na lulan ng naaksidenteng bus sa Orani, Bataan nitong Sabado.

Naiuwi na ang labi ng biktima na namatay matapos mahulog sa bangin na may 15 metro ang lalim ang service bus na pag-aari ng Department of Education sa Barangay Tala, Orani, Bataan nitong Sabado ng tanghali, Nobyembre 5.

Agad namang nagpahatid ng pakikiramay ang Schools Division Office ng Quezon City (SDOQC) sa masaklap na sinapit ng biktima na nagtuturo sa Payatas B Elementary School.

Sa official statement ng SDOQC, tatlong service bus diumano mula sa San Francisco Elementary School ang sinakyan ng mga guro mula sa lungsod patungong Sinagtala Resort sa Orani, Bataan para sa isang gender and development seminar doon nitong Nobyembre 4.

Nangyari ang aksidente nang pauwi na ang mga guro kung saan ang isang bus na may plakang SAA 9845 ay nagkaaberya sa preno.

Ayon sa driver nito na si Marcelino Olivia, kaya bumulusok sila sa 15 metrong lalim na bangin ay dahil nawalan umano ng preno ang bus.

Lulan ng minalas na bus ang 48 katao kasama ang nasawing guro, si Olivia, at ang conductor.

Una nang sinabi sa panayam ni Police Major Larry Valencia, hepe ng Orani Police, na 26 sa mga pasahero ang isinugod sa ospital dahil sa tinamong mga sugat subalit isa ang nasawi.

Sa pahayag naman ng SDOQC, isinugod ng mga rumesponde ang mga biktima sa Orani District Hospital kung saan sila binigyan ng first aid at isinailalim sa CT scan; tatlo ay idinala sa Balanga Provincial Hospital para sa paglulunas habang 18 ay sa Provincial DRRM dinala.

Dahil sa matinding sugat na natamo, pumanaw ang guro sa Orani District Hospital.

Ang iba pang sugatan ay dinala sa 1 Bataan Command Center, Medical Aid Facility at isinailalim sa stress debriefing ng Provincial Health Office, Provincial Social Welfare Office.

Agad ding nakipagkoordinasyon ang SDOQC sa Bataan local government unit para sa assistance ng mga guro.

Nitong Sabado ay pinakilos naman ng Department of Education ang kanilang regional director for National Capital Region na si RD Willie Cabral para alamin ang pangyayari at unahin ang kondisyon ng mga nasugatang guro.

“Ang pinakamahalaga po ngayon ay ang kondisyon ng mga guro na sakay ng bus,” ayon kay DepEd Spokesman Atty. Michael Poa. (ai/mtvn)

Leave a Reply