Solo parents, PWDs ng Maynila tatanggap ng P3K bawat isa sa unang linggo ng Disyembre

Solo parents, PWDs ng Maynila tatanggap ng P3K bawat isa sa unang linggo ng Disyembre

MANILA — Good news sa mga solo parents at persons with disability (PWDs) ng Maynila dahil inanunsiyo na ni
Mayor Honey Lacuna na tatanggap ng P3,000 ang bawat isa sa kanila sa unang linggo ng Disyembre 2022 para sa kanilang buwanang allowance mula sa city government.

Nabatid kay Lacuna na ang target date ng release ng nasabing financial assistance ay mula December 5 hanggang Dec. 7, 2022.

Tiniyak din ng kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila sa mga solo parents at PWDs na ang nasabing benepisyo ay magpapatuloy sa ilalim ng kanyang liderato.

Ibinahagi ng alkalde na noong siya ay dumalo sa Christmas tree lighting ng isang shopping mall at nang magtungo siya ng restroom, isang PWD ang naghintay sa kanya sa labas ng restroom para tanungin lang siya kung kailan ang release ng kanilang allowance.

“Talagang ginagawa po natin ‘yan na bi-annual kasi P500 lamang para pagdating ng ikaanim na buwan, malaki-laki ang matatanggap ng ating mga solo parents at PWDs. Pakiabangan na po. Sa unang linggo ng Disyembre ay matatanggap n’yo na. ‘Wag n’yong isipin na hindi na tuloy. Tuloy pa rin po ito,” pagtitiyak ni Lacuna.

Kaugnay nito, sinabi ng lady mayor na ang monthly financial assistance para sa senior citizens at university students sa lungsod ay patuloy na ibinibigay.

Ang pagbibigay ng financial aid ay bahagi ng social amelioration program ng lungsod, na kinabibilangan ng 15,000 senior citizens; 21,800 PWDs; 5,000 solo parents; 17,000 university students at 5,000 Grade 12 students.

Ang mga college student ay tumatanggap ng P1,000 monthly allowance mula sa city hall habang ang mga senior high school students ay tumatanggap ng P500 kada buwan pareho rin ng sa solo parents, senior citizens at PWDs.

“Makakaasa po kayo na ang inyong pamahalaang-lungsod ay patuloy na gumagawa ng paraan para paginhawain ang pamumuhay ng bawat pamilyang Manilenyo,” sabi ni Lacuna. (KIARA LAUREN IBANEZ/ai/mtvn)

Leave a Reply