Tianggihang ‘Nueva Vizcaya Tienda’ binuksan sa Kartilya ng Katipunan

Tianggihang ‘Nueva Vizcaya Tienda’ binuksan sa Kartilya ng Katipunan

Binuksan sa publiko ni Mayor Dra. Maria Sheilah “Honey”
Lacuna-Pangan, kasama sina Vice Mayor John Marvin “Yul
Servo” Nietos at Nueva Vizcaya Gov. Carlos Padilla, ang Nueva Vizcaya Tienda sa Kartilya ng Katipunan nitong Huwebes (17 Nov 2022).

Ito ay ayon sa pinirmahan nilang ugnayan sa pagitan ng Lungsod ng
Maynila at Nueva Vizcaya para sa dalawang araw na programang ito.

Sa pamamagitan nito, ang mga kalidad at sariwang produkto mula sa
Nueva Vizcaya ay mabibili sa abot-kayang halaga simula ika-17 hanggang
ika-18 ng Nobyembre.

Ayon kay Gobernador Padilla, base sa kanilang pag-aaral ay nasa 10
hanggang 12 na istasyon ang dinadaanan ng kanilang produkto bago ito
mailuto sa kusina ng mamimili.

Dagdag niya, kada istasyon ay may kaugnay na patong na halaga kung
kaya higit na mas mahal ang presyo ng produkto kapag ito ay binili sa
palengke.

Sa pamamagitan ng Nueva Vizcaya Tienda ay mas iiksi ang daraanang
proseso kaya higit na mas mura ang mabibiling produkto mula rito.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Gobernador Padilla sapagkat
malaking tulong, aniya, ito sa mga magsasaka at magbubukid sa kanilang
lalawigan.

Sa kabilang banda, nagpapasalamat din ang Pamahalaang Lungsod ng
Maynila sa pamamamagitan ni Punong Lungsod Dra. Lacuna-Pangan para sa
pagkakataon na makapamili ang mga Manileño ng sariwa at dekalidad ngunit
abot-kayang produkto.

Kung kaya bilang tagapagtangkilik ng mga lokal na produkto ay
inanyayahan niya ang mga Manileño na mamili sa Nueva Vizcaya Tienda.

Umaasa siya na sa “maliit na kaparaanan na ito ay maraming matutulungan.”

Kaugnay ng “farm to market” na ito na naglapit ng produkto sa mamimili
ay nagtanghal din ng isang ritwal ang ilang mamamayan ng Nueva
Vizcaya.

Ayon sa kanila, ang “chant,” tugtog, at pagsasayaw na ito ay bilang
panawagan sa Maylikha para sa magandang ani.

Dagdag nila, maihahalintulad ito sa mabuting dulot ng Nueva Vizcaya
Tienda sa mga magsasaka at nagbubukid sa kanilang lalawigan.

(KIara Lauren Ibanez/BC/ai/mtvn)

Leave a Reply