‘Kadiwa ng Pasko’ tatakbo tuwing payday hanggang Disyembre 31 — DA

‘Kadiwa ng Pasko’ tatakbo tuwing payday hanggang Disyembre 31 — DA

Ni Liezelle Soriano

MANILA – Tatakbo ang “Kadiwa ng Pasko” tuwing payday hanggang sa katapusan ng taon, ayon sa isang mataas na opisyal ng Department of Agriculture (DA) ngayong Sabado.

“Ang instruction po ay ipagpatuloy ang ‘Kadiwa ng Pasko’ hanggang matapos ang taon, every payday, every other two weeks,” wika ni DA Agri-business and Marketing Service officer-in-charge Director Joubert de Sagun.

Ang Kadiwa ng Pasko project ay inilunsad sa buong bansa noong Miyerkules ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na siya ring nagsisilbi bilang kalihim ng DA.

Layon ng proyekto na magbigay ng merkado sa mga lokal na prodyuser ng agrikultura sa bansa habang kasabay nito ang pagbibigay ng access sa publiko sa abot-kaya ngunit mataas na kalidad na mga produkto.

“Ang konsepto ng Kadiwa ay direct from producers to consumers… ‘Yung mga lugar na pinaglalagyan nito ay walang bayad sa renta, walang middleman kaya mababa ang presyo ng mga produkto,” ani de Sagun.

Makakabili ang mga mamimili ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa halagang P25 kada kilo sa mga rolling store ng Kadiwa ng Pasko.

Sa kanyang pahayag sa paglulunsad, sinabi ni Marcos na malapit nang makamit ng gobyerno ang adhikain na ibaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo na siyang pangako niya noong panahon ng kampanyahan sa pagkapangulo.

(ai/mtvn)

Leave a Reply