Makasaysayang Manila Zoo muling binuksan sa publiko

Makasaysayang Manila Zoo muling binuksan sa publiko

Ni Benjamin Cuaresma

MANILA — Matapos ang tatlong taong pagkakapinid nito dahil sa Covid pandemic at kailangang rehabilitasyon, muling binuksan sa publiko ang makasaysayang Manila Zoo ngayong araw ng Lunes, 21 Nov. 2022.

Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, na siyang nanguna sa pagbubukas ng Manila Zoo, maihahalintulad ang nasabing zoo sa ibang bansa sa ganda nito.

Gayunpaman ay bahagyang tumaas ang entrance fee sa halagang P150 para sa mga Manileno, at P300 naman ang para sa mga taga-labas ng lungsod.

Ang mga estudyante ay may P100 discount, gayundin ang mga senior citizens habang ang mga PWD ay may 20% discount at ang mga batang nasa dalawang taong gulang pababa ay libre ang entrance.

Tiyak umanong kagigiliwan ang mga bagong magagandang atraksyon pagpasok sa MZ gaya ng mga African Lion, White Bengal Tiger, Philippine Deer, Ostrich, Multi-Colored Cassowary, Lesser White Egrets, Crocodiles, Indian Blue Peafowl, at ang kilalang pinakamatandang residente ng zoo, ang elepanteng si Mali at marami pang iba.

Kamakailan ay nakapanayam ng Manila City Hall Press Club sa Q&A si Atty. Princess Abante, tagapagsalita ng Office of the Mayor.

Ayon sa kanya, ang bagong bukas na zoo ay maaaring ihambing sa Clark Safari dahil sa ganda nito.

Ayon pa kay Abante, kinakailangang itaas bahagya ang entrance fee upang ang perang malilikom ay magamit sa pagmantina ng nasabing zoo at mga hayop na napakamahal ng pakain at upang maiwasan na ring magkaroon ng usapin sa mga Animal Advocates.

Matatandaang ang limang (5) ektaryang Manila Zoo ay isinara noong kasagsagan ng pandemya at pinondohan ng P1.74 bilyon para sa masusing rehabilitasyon noong kapanahunan ng dating alkalde na si Isko Moreno.

Bulkod kay Manila Mayor Honey Lacuna, dumalo rin sa pasinaya si Vice Mayor Yul Servo sa bagong anyong Manila Zoo.

Leave a Reply