‘Walk of Faith,’ pansamantalang ipapalit sa makasaysayang Traslacion ng Black Nazarene

‘Walk of Faith,’ pansamantalang ipapalit sa makasaysayang Traslacion ng Black Nazarene

Ni Benjamin Cuaresma

MANILA — Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, isinasapinal na ngayon ang lahat ng kailangan para sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno (Black Nazarene) sa lungsod ng Maynila sa Enero 9, 2023.

Ayon kay Lacuna, noong nakalipas na linggo ay nagkaroon na ng pulong ang Manila local government unit at mga kinatawan ng Simbahan ng Quiapo.

Napagkasunduan aniya na hindi na muna isasagawa ang tradisyunal na Traslacion, at sa halip ay isasagawa ang “Walk of Faith” o Lakad ng
Pananampalataya at asahan ang araw-araw na mga misa.

Pinalitan naman ng “Pagpupugay ” ang “Pahalik” sa Quirino Grandstand
kung saan maaaring lapitan at hawakan ang Poon, pero bawal ang
paghalik sa imahen lalo’t may banta pa rin ng COVID-19.

Sa ngayon ay mga “technical” na preparasyon ang inihahanda, at ang
pinal na latag para sa okasyon ay manggagaling sa Quiapo Church,
kasama na ang ruta ng Walk of Faith at iba pa ayon kay Lacuna.

Tiniyak naman ng alkalde ang buong-pwersang deployment ng Manila Police
District (MPD), Manila Fire Department (BFP), Manila Health Department at iba pang departamento ng lungsod upang masiguradong magiging mapayapa at maayos ang paggunita sa Pista ng Itim na Nazareno.

Sinabi pa ni Lacuna na magdaraos ng panibagong pulong balitaan ang Manila
LGU at Simbahan ng Quiapo, ilang araw bago maganap ang Pista.

(ai/mtvn)

Leave a Reply