DA, patuloy na pinag-aaralan ang sanhi ng pagsipa ng presyo ng sibuyas

DA, patuloy na pinag-aaralan ang sanhi ng pagsipa ng presyo ng sibuyas

Ni Liezelle Soriano

MANILA — Sinabi ng Department of Agriculture (DA) nitong Lunes na tinitingnan pa nila ang tunay na dahilan ng pagtaas ng presyo ng pulang sibuyas nitong mga nakaraang linggo.

Ayon kay DA Assistant Secretary at spokesperson Kristine Evangelista, napag-alaman sa monitoring activities na may ilang nagbebenta na nagtaas ng presyo hanggang P300 kada kilo.

“Ngayon po kami ay nakikipag-ugnayan sa Bureau of Plant Industry (BPI) para makita po natin ang supply situation, para makita po natin ang kadahilanan ng pag-spike ng presyo,” aniya.

Makikita sa datos ng DA na ang mga presyo ng lokal na pulang sibuyas ay nag-average ng P280 kada kilo sa mga pamilihan sa Metro Manila noong Biyernes.

Samanatala, sinabi niya na inaasahan ng mga magsasaka na magsisimulang mag-ani sa Disyembre. Aniya, ang ilan ay magsisimula sa ikalawang linggo habang ang iba naman ay sa huling linggo ng nasabing buwan.

“Ngayon po ang tinitignan natin kung gaano kalaki ang kanilang volume na iha-harvest dahil ito po ay makakatulong sa pagdagdag ng ating supply,” ayon kay Evangelista.

(ai/mtvn)

Leave a Reply