Higit pa sa sapat ang suplay ng baboy ngayong Pasko — DA

Higit pa sa sapat ang suplay ng baboy ngayong Pasko — DA

Ni Liezelle Soriano

MANILA — Sinabi ng Department of Agriculture (DA) nitong Linggo na mayroong higit sa sapat na suplay ng baboy para matugunan ang pangangailangan sa merkado ngayong kapaskuhan.

Ayon kay DA deputy spokesperson Rex Estoperez, dahil mas gusto ng mga mamimili na bumili ng sariwang karne, tanging ang mga nagbebenta ng frozen na karne ang nag-aalangan na ilabas ang kanilang mga suplay ng maramihan.

Gayunman, tiniyak niya na walang kakulangan sa baboy, lalo na sa nalalapit na panahon ng Pasko.

“‘Yung ina-assure natin sa ating mga kababayan, sobra-sobra ‘yung karne ng baboy ngayon. ‘Wag silang mabahala do’n,” ayon kay Estoperez.

“Ayun nga lang, kung may frozen at mababa, depende sa inyo kung tangkilikin niyo ‘yun. Kung bagong katay, sa inyo naman ang preference. Pero, wala tayong kakulangan sa karneng baboy lalong lalo na nalalapit ang Pasko,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ng grupo ng mga magsasaka na Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) nitong Miyerkules na may sapat na suplay ng baboy para sa holiday kahit tumaas ang presyo sa ilang wet market sa Metro Manila.

Ang farmgate prices ng live hogs ay nasa P155 hanggang P175 kada kilo, ayon sa grupo.

(ai/mtvn)

Leave a Reply