MAHARLIKA WEALTH FUND

MAHARLIKA WEALTH FUND

MANILA — Samu’t saring haka-haka o kuro-kuro ang sumalubong sa panukalang Maharlika Wealth Fund (MWF) magmula noong ito’y ihain sa Mababang Kapulungan ni Speaker Martin G. Romualdez noong Nobyembre 28, 2022.

At magpahanggang ngayon, usap-usapan pa rin ito sa mga coffee shop ng mga mamamahayag at ordinaryong mamamayan lalo na ng economic experts ng bansa, at maging ng mga economic columnist bagama’t tipong wala nang makapipigil pa sa implementasyon nito lalo na’t nakalusot na ito sa ikatlo at huling pagbasa sa Lower House noong Disyembre 15, 2022, matapos sertipikahang “urgent” ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Nakakuha ito ng solidong suporta kung saan lumagda ang may 282 mambabatas mula sa 312 (90%) na kabuuang miyembro ng Kapulungan na agad ding idineklarang co-authors ng panukala.

Ngunit hindi naging madali ang pagpasa nito dahil gumugol din ito ng mahigit tatlong oras na deliberasyon at interpelasyon mula kay Albay 1st District Rep. Edcel Lagman, na maituturing na oposisyon ngunit lalong nagpatibay at nagbiday- daan sa paghubog ng mas mainam na bersyon.

Pagbalik ng 19th Congress mula sa Christmas break sa Enero 23, 2023, inaasahang tatalakayin agad ito ng Upper Chamber o ng Senado, na kadalasan naman kapag lumusot na sa House of Representatives ay halos tiyak na rin ang passage nito, at lalong may katiyakan na lalagdaan agad ito ni Pangulong Marcos upang maging ganap na batas.

Ang pagbuo ng MWF o  ng sovereign wealth fund (SWF) o ng Maharlika Investment Fund  ay nakapaloob sa House Bills No. 6608 at 6398 na parehong naglalayong paigtingin ang paggamit ng tinatawag na “investible government assets” upang mas lalong mapakinabangan ng nakararaming mga PIlipino.

Noong una, lalo itong naging kontrobersiyal dahil naalarma ang mga benepisyaryo ng Government Service Insurance System (GSIS), at Social Security System (SSS) dahil kabilang ang mga ito sa mga pagkukunan ng pondo ng MWF bukod pa sa Land Bank of the Philippines (Land Bank), Development Bank of the Philippines (DBP), at iba pang ahensiya ng gobyerno na may sapat na pondo.

Kinalaunan, inanunsiyo ng Speaker na hindi na kabilang ang GSIS at SSS sa mga ahensiyang pagkukuhanan ng pondo ng MWF dahil na rin sa kabi-kabilang batikos dito.

Bukod  kay Speaker Romualdez, na pinsan ni Pangulong Marcos, ang iba pang orihinal na may akda ng SWF ay sina House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe; Senior Deputy Majority Leader Ferdinand “Sandro” Alexander A. Marcos, panganay na anak ng Pangulo; Tingog party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez (asawa ng Speaker) at Jude A. Acidre: at Marikina City Rep. Stella Luz A. Quimbo.

Ayon sa mga may akda, kawangis ang MWF sa mga wealth fund ng may 70 iba’t ibang bansa kasama na ang Singapore, China, Hong Kong, South Korea, Malaysia, Indonesia, Taiwan, Vietnam, at East Timor.

Sa pagpasa ng naturang panukala, sinabi ng Speaker na ito’y magbibigay-daan sa “Agenda for Prosperity” at sa “eight-point socioeconomic roadmap ni PBBM.

Idinagdag pa ng Speaker na mahalaga ang MWF upang ang gobyerno ay mapaganda at “improve investment opportunities, promote productivity-enhancing investments, and ensure that the Philippines becomes an investment destination. It will provide for the management, investment, and use of the proceeds of the fund.”

“Sovereign wealth funds are state-owned investment funds typically financed by a country’s surplus revenues or reserves. Governments invest these funds in an array of both real and financial assets to stabilize national budgets, create savings for their citizens, or promote economic development,” paliwanag pa ni Romualdez.

Ayon pa sa Speaker, ang panukala ay makapagbibigay sa mga kasali na ahensiya ng oportunidad “to ensure their respective funds’ optimal asset allocation as well as ensure that resources are efficiently channeled to investments that will provide the most value not only to the participating GFIs (government financial institutions) but also to the country.”

Partikular na binanggit niyang ehemplo ang kaso ng Singapore at Indonesia na, aniya, ay naging matagumpay ang paggamit ng mga ito ng kanilang sovereign wealth funds.

Nakapagbigay, aniya,  ito sa Singapore ng “financial means upang maisa-ayos ang foreign reserves nito at protektahan ang bansa na hindi nadadamay ang programang panloob at itaguyod ang limitadong economic space nito sa global investments.”

Sa kaso naman ng Indonesia, mas lalo, aniya,  itong nakaakit ng foreign investors na magdala ng negosyo sa mga sektor ng transportation, supply chains, logistics, digital infrastructure, green economy, healthcare services,  financial sector, technology, at turismo, na lalong nagpaigting sa economic growth ng bansa.

Tiniyak din ni Romuladez na maseseguro  ng Pilipinas hindi lamang bilang Rising Star of Asia ngunit isang tunay na economic leader sa Asia Pacific kung kaya nararapat at karapat-dapat laang na itaguyod ang MWF ng bansa.

At upang matiyak ang integridad ng MWF, kailangan nitong sumunod sa kodigo ng Santiago Principles na may 24 na subok nang mga prinsipyo na nilagdaan noong October 2008 sa Santiago, Chile, ng mga bansa na mayroong SWFs.

Batay sa nilalaman ng panukala, ang MWF ay magkakaroon ng governing board na bubuuin ng nominees mula sa mga kasaling GFIs na silang mamamahala sa pangangalaga ng pondo.

Ang MWF Board ay magkakaroon din ng dalawang independent directors.

Ang iba pang importanteng impormasyon ay inyo pong matutunghayan sa mga susunod pang artikulo patungkol sa MWF. (IAmigo/MTVN)

Itutuloy…

Leave a Reply