Azurin, 900 pang PNP senior officials naghain ng resignation

Azurin, 900 pang PNP senior officials naghain ng resignation

Ni Arwen Pascua

MANILA — Sa prinsipyo, walang hepe ngayon ang Pambansang Pulisya.

Ito ay matapos maghain ng kanyang courtesy resignation si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. kahapon (Huwebes) na inanunsiyo sa isang press conference.

Bukod kay Azurin, nasa 900 iba pang senior officers kasama na ang kaniyang command group ang nagsumite rin ng kanilang courtesy resignation bilang pagtugon sa apela ni Interior Secretary Benhur Abalos upang linisin ang hanay ng kapulisan lalo na yaong nauugnay sa drug trafficking.

“Kami ng command group, nauna pa nga si DCA (Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia), ay nag-submit na rin ng courtersy resignation,” wika ni Azurin.

Gayunman, bago ipakita ni Azurin ang resignation letter, ipinaliwanag nito sa mga miyembro ng PNP Press Corps ang dahilan kung bakit kailangan ang mass resignation mula koronnel hanggang full-pledged generals.

Ito, aniya, ay nag-ugat sa pagkakabalik kay MSgt. Rodolfo Mayo na isa diumanong kabilang sa mga tinatawag na “Ninja Cops” o yaong kapulisan na nagre-recycle ng mga nahuling ebidensiya sa mga drug buy-bust.

Naniniwala si Azurin na hindi makapag-o-operate si Mayo kung walang mas mataas na ranggo na nagpoprotekta sa kanya.

Pangalawa ay panahon na ang massive internal cleansing dahil ayaw ng buong organisasyon na pagbintangan sila na kinakanlong nila ang kulang sa 10 heneral na diumano’y sangkot sa droga.

Ang submission ng courtesy resignations ay isa lamang na “test of character” at iginiit ni Azurin na kung alam na malinis at walang sala ay hindi dapat matakot mag-resign.

“Isa lamang itong clearance, na kapag hindi pinayagan na mawala sa serbisyo, ibig sabihin cleared at malinis,” ayon kay Azurin.

Pangatlo, ang submission ng courtesy resignation ay isa lamang pagpapa-assess at evaluation upang hindi na maulit ang dinanas ni Azurin sa panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada na identified siya sa “erring cops.”

“Mabuti na lamang cleared ako, paano ang hindi maki-clear na pulis na wala namang kasalanan?”

Nilinaw rin ni Azurin na wala pang pangalan ang miyembro ng 5-Man Committee na sasala sa courtesy resignation ng mga colonel at general.

“Mayroon kaming 22 names na isinumite kay Pangulong Bongbong Marcos, at siya na ang mag-aaprub kung sino ang limang mapipili,” ayon pa kay Azurin.

Dagdag pa ni Azurin, mayroon lamang 30-day ang submission at ang mga opisyal na aniya’y “guilty” at kasama sa halos 10 opisyal ng PNP na diumano’y identified sa drugs ang kanilang kakausapin. (ai/mtvn)

Leave a Reply