3rd level PNP officers na tutol sa ‘courtesy resignation appeal’ ni Abalos pinayuhang lumantad

3rd level PNP officers na tutol sa ‘courtesy resignation appeal’ ni Abalos pinayuhang lumantad

Ni Arwen Pascua

MANILA — Pinayuhan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang third level officials na diumano’y tutol sa “courtesy resignation” appeal ni Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na magpakilala o lumantad kung inosente o “malinis” sila sa anumang iregularidad.

Kasunod nito, nanindigan si Azurin na tama ang tinatahak ng pagsusumite ng courtesy resignation mula full colonel hanggang general sa organisasyon upang mapatunayang malinis at hindi sangkot sa droga.

Ang pananaw ng PNP chief ay bilang tugon sa mga nasa third level police officers na tutol sa apela ni Interior Secretary Benhur Abalos at ikinatwirang inosente sila sa kalakaran ng droga at pagbibigay-proteksyon sa “Ninja Cops.”

Hinamon din ni Azurin ang mga “innocent third level police officers” na dapat ipakilala o ipalaalam nila sa pamamagitan ng courtesy resignation na pamamaraan para ma-assess at ma-evaluate sila,

Pagdiriin pa ng PNP chief na mahalaga na masala ang nasa third level PNP rank dahil sila ang susunod na pinuno sa organisasyon at pagdating ng panahong iyon, sila ay walang bahid-dungis.

“So, ang ano diyan inosente pala sila bakit ayaw nila magpakilala, dapat lumabas sila because they are innocent, because nandidito tayo ngayon sa cleansing process na kung saan inunan nga natin ang mga third level officers natin na isumite nila voluntarily ‘yung kanilang sarili dahil sabi nga kahapon these are the future leaders, these are the future officers that will be leading the PNP
organization,” ayon kay Azurin.

Makabubuti aniya na ngayon pa lamang ay malinis na sa droga at katiwalian ang lahat ng third level PNP officers para kung sila na ang nasa top brass ay mas maganda ang imahe.

“So gusto ba nila na pagdating ng panahon nila ay ganito pa rin ang problema na daratnan nila. Hindi ba maganda na ngayon pa lang tabasin na natin, tingnan na natin who among our third level officers ang may tsansang umangat na pagdating sa involvement sa illegal na drugs ay very clean, spotless siya para nang sa ganun
magkaroon siya ng moral ascendancy na pamunuan ang buong pambansang kapulisyahan,” dagdag pa ni Azurin.

Magugunitang nitong Enero 5 ay naghain na ng courtesy resignation si Azurin at mahigit 900 senior police officers na kanyang tinawag na test of character. (ai/mtvn)

Leave a Reply