Marcos nais pabilisin ang pag-iisyu ng digital National ID

Marcos nais pabilisin ang pag-iisyu ng digital National ID

Ni Liezelle Soriano

iTacloban.com photo courtesy

MANILA — Naglabas ng direktiba si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Huwebes upang pabilisin ang digitalization ng National Identification (ID) system na maaaring gamitin para sa pampubliko at pribadong transaksyon.

Sa kanyang pakikipagpulong sa Private Sector Advisory Council (PSAC) on Digital Infrastructure sa Malacañang, kabilang sa mga tinalakay ay ang panukalang Public-Private Partnership (PPP) ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa paglulunsad ng Digital PhilID App.

Sa pulong, hiniling ni Marcos sa pribadong sektor na tumulong na mailabas ang National ID, at binanggit na mayroon itong teknolohiya at kakayahan para sa mga bagong digital ID.

“Naiwanan na tayo sa technology, so we have to catch up,” ayon kay Marcos.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), kasama sa mga benepisyo ng paggamit ng digital ID system ang automated na eKYC (Know Your Customer), proteksyon sa pagnanakaw ng pagkakakilanlan, credit card at loan application, at digital wallet.

Ang Republic Act No. 11055 o ang Philippine Identification System Act ay nilagdaan bilang batas noong Agosto 6, 2018.

Ang RA 11055 ay naglalayong magtatag ng isang pambansang sistema ng pagkakakilanlan para sa lahat ng mamamayan at resident aliens ng Pilipinas.

(ai/mtvn)

Leave a Reply