Alegasyon ng mga katiwalian sa NCSC bubusisiin ng Kongreso — Ordanes

Alegasyon ng mga katiwalian sa NCSC bubusisiin ng Kongreso — Ordanes

Texto at video ni Benjamin Cuaresma

MALATE, Manila — Kasunod ng pagkakadiskubre ng mga kakulangan at alegasyon ng katiwalian sa National Commission of Senior Citizens (NCSC), aaksyunan at iimbestigahan na diumano ito ng House Committe on Public Accounts at committe on Senior Citizens.

Sa Kapihan sa Manila Bay sa Cafe Adriatico sa Malate, Maynila, hinayag ni Senior Citizens Partylist Representative Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes na may mahalagang katanungan ukol sa kawalan ng abilidad ng NCSC na tuparin ang mandato nito na maprotektahan ang kapakanan ng mga Senior Citizens o ang mga nakatatandang sektor sa ating bansa.

“Dalawang taon na ang nakakalipas mula nang mabuo ang NCSC ngunit wala pa ring nangyayari sa dapat na paglilipat ng mga responsibilidad sa NCSC mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD),” wika ni Ordanes.

Ayon pa sa mambabatas, marami na silang natanggap na reklamo mula sa mga Senior Citizens, mula sa kani-kanilang mga organisasyon at maging sa mga kawani ng NCSC na tumutukoy sa mabigat na pagkukulang ng polisiya at tungkulin na dapat sana’y naipatupad noon pa nang malikha ang komisyon.

May mga sumbong at reklamo din ng “conflict of interest, grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction and negligence in the performance of duty,” pahayag pa ni Ordanes.

Tinutukoy niya ang mga reklamo laban kina Quijano at Commissioner Rey Mansilungan na ‘di umano’y pumapabor ang dalawang opisyal sa partikular na organisasyong Senior Citizens Welfare Association of the Philippines ( SCWAP ) kaya di nabibigyan ng pansin ang Federation of Senior Citizens Association of the Philippines (FSCAP) na siyang may akreditasyon mula sa DSWD.

(Benjamin Cuaresma/ai/mtvn)

Leave a Reply