SAAN KUKUHA ANG PILIPINAS NG KAPITAL PARA MABUO ANG MAHARLIKA INVESTMENT FUND?

SAAN KUKUHA ANG PILIPINAS NG KAPITAL PARA MABUO ANG MAHARLIKA INVESTMENT FUND?

MANILA — Maglalaan ang gobyerno ng seed capital o panimulang puhunan para sa Maharlilka Investment Fund na humigit-kumulang na P110 bilyon.

Sa laki ng halagang ‘yan, mapupuno ang isang malaking van ng puro salapi na lilibuhin ang denominasyon.

Dahil sa dami niyan, hindi rin kaila sa taumbayan kung saan, o ano-anong ahensiya o sangay ng gobyerno ang pagkukunan upang mabuo ang mega start-up capital.

Tanong:

Saan kukuha ang Pilipinas ng kapital para mabuo ang Maharlika Investment Fund?

Sagot: 

Maglalaan ang gobyerno ng humigit-kumulang na P110 bilyon bilang panimulang kapital ng MIF, kung saan ang P50 bilyon ay kukunin sa surplus at investible funds ng Land Bank of the Philippines (Land Bank), P25 bilyon mula sa Development Bank of the Philippines (DBP) at ang balanse ay galing naman sa 100% dividends batay sa kita ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa ikalawang taon, madadagdagan ang pondo mula sa dividends pa rin ng BSP; 10% ng kita mula sa PAGCOR at iba pang government-owned gaming operators; at mga kita mula sa mga royalties at special assessments sa mga likas na yaman ng bansa.

Tanong pa:

Hindi ba mauubos ang pera ng mga bangko natin kung dadalhin ang pondo nila sa Maharlika Fund?

Sagot:

Maliit na porsiyento lamang mula sa investible funds ng mga bangko ang dadalhin sa Maharlika Fund.

Sa Land Bank, 4.4 porsiyento lamang o P50 bilyon ng kanilang P1.12 trilyon na investible funds.

Sa DBP naman, dalawang porsyento lamang o P25 bilyon ng kanilang P890 bilyon na investible funds ang ilalabas.

Tanong pa rin:

Hindi ba kasama ang SSS at GSIS sa pagkukunan ng pondo para sa Mahalika Fund?

Sagot:

Sa inaprubahang bersyon mg Maharlika Bill na inaprubahan ng House of Representatives noong December 15, 2022, hindi na kasama ang SSS at GSIS sa mga pagkukunan ng panimulang pondo ng Maharlika Fund.

Muling tanong:

Paano poproktehan ang Maharlika Investment Fund sa korupsiyon?

Sagot:

Magiging transparent ang MIC (Maharlika Investment Corporation), ang korporasyon na magpapatakbo ng pondong ito. May magbabantay dito na Risk Management Unit na binubuo ng limang miyembro.

Kabilang dito ang isang Independent Professional sa larangan ng finance, economics, at investments; dalawang Senior Executives ng MIC; isang Independent Director; at isang Auditor.

Bukod dito, babantayan din ang pondo ng Joint Congressional Oversight Committee na binubuo ng limang senador at limang kongresista.

Mayroon ding tatlong “layers of audit” sa pondo: (1) internal o panloob; (2) external o panlabas na galing sa mga international accredited auditors; at (3) Commission on Audit.

Lahat ng book of accounts ng MIC ay gagawing bukas para sa pagsusuri ng Commission on Audit batay na rin sa isinasaad ng Philippine Constitution.

Tanong:

Ano pa ang mga safeguards na itinayo para masiguradong maiingatan ang pondo sa pang-aabuso?

Sagot:

Sa pinal na bersyon ng Maharlika Bill, naglagay na ang Kongreso ng mabibigat na mga penal provisions o criminal sanctions para papanagutin at parusahan ang sinumang director, trustee o officer ng korporasyon na mapatutunayang aabuso o umabuso sa pamamahala ng Maharlika Fund.

Tanong:

May naidagdag bang mga probisyon para lalo pang makatulong ang Maharlika Fund sa ordinaryong mamamayan?

Sagot:

Mula sa 20 porsiyento, itinaas ng Kongreso sa 25 porsiyento ang pondo na ilalaan mula sa kita ng Maharlika Fund para sa social welfare fund ng gobyerno. Maibabalik ang pera sa kaban ng bayan para gastusin naman sa ayuda para sa ordinaryong mamamayan.

Tanong:

Ano pa ang mga proyektong posibleng pondohan ng Maharlika Fund?

Sagot:

Bukod sa mga financial instruments na may malaking return of investments sa bansa, malaking bahagi ng pondo ang dapat na gamitin sa mga programa at proyekto na magpapaunlad sa ekonomiya ng bansa, magbibigay ng maraming trabaho sa mga Pilipino at magpapalaki ng kita ng ordinaryong mamamayan.

Karamihan dito ay naaayon sa bagong Philippine Development Plan at laan para mapondohan ang mga imprastrukturang labas sa alokasyon ng national budget.

Ilan lamang dito ang mga sumusunod:

  • Railway systems para mapabilis ang daloy ng mga tao at mga produkto
  • Power projects para mapababa ang presyo ng koryente at masigurado ang suplay nito
  • Cold storage plants para hindi mabulok ang mga agricultural products ng mga magsasaka at fish produce ng ating mga mangingisda
  • Agri-Insurance para protektahan ang ating mga magsasaka sa panahon ng kalamidad

Sa susunod na yugto (PART 6), ating matutunghayan ang pagbibigay pa ng paliwanag upang lubos na mapanatag ang kalooban ng bawat Pilipino tungkol sa usaping ito.

Itutuloy…

Leave a Reply