Pagtungo ng mga pulis sa bahay ng nag-suicide na onion farmer totoo — Azurin

Pagtungo ng mga pulis sa bahay ng nag-suicide na onion farmer totoo — Azurin

Ni Arwen Pascua

PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. (GMA Network)

MANILA — Inamin ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang pagtungo ng mga pulis sa tahanan ni Ginang Merlita Gallardo, ang biyuda ng umano’y nagpakamatay na onion farmer nang malugi sa pananim nito sa Bayambang, Pangasinan.

Gayuman, itinanggi ang umano’y pangha-harass ng mga pulis sa biyuda at sinabing may nais lang pagtugmain sa petsa ng pagpapatiwakal ni Mr. Gallardo na isa ring dating kagawad.

Samantala, naglabas ngayong hapon (Biyernes, 20 January 2023) ang local government unit ng Bayambang, Pangasinan ng opisyal na pahayag kung saan nakasaad na wala umanong napabalitang nagpakamatay na magsasaka ng dahil sa pagkalugi sa pananim na sibuyas.

Sa isang panayam, inamin ni Azurin na totoong tinungo ng mga tauhan ng Bayambang Police sa Pangasinan ang tahanan ni Gng. Gallardo bilang tugon sa kasulatan ng Department of Interior and Local Government sa nasabing bayan at utos ni DILG Provincial Director Virgilio Sison.

Gayunman, pagdiriin ni Azurin na kaya naman nagtungo roon ang mga pulis ay upang itugma ang nakalap nilang ulat gaya ng petsa ng kamatayan ng mister ni Mrs. Gallardo na noon pang Enero 2021.

“Gusto ng DILG ay magkaroon ng clarification tungkol doon sa mga ipinahayag ni nanay Merlita doon sa Senate investigation. Unang-una ang gusto ma-clarify kailan po ba namatay ‘yung asawa ni Nanay Merlita dahil lumalabas sa kaalaman ng ating kapulisan na namatay ‘yung asawa niya noong January 19, 2021. So, parang pinagtutugma lamang po na hindi ho ngayon taon or noong nakaraang taon namatay yung asawa niya,” paliwanag ni Azurin.

Magugunitang lumabas sa ulat na mayroong limang onion farmers ang nagpakamatay dahil nalugi nang masalanta ang kanilang pananim na sibuyas.

Dahil sa ulat ng Senado ay nagbunsod para imbestigahan ng PNP subalit sa Facebook post ni Mayor Nina Jose Quiambao, itinanggi nitong walang magsasaka na nagpakamatay sa Bayambang dahil sa pagtaas ng presyo ng sibuyas.

Wala rin anyang ulat sa kanilang Rural Health Unit at maging sa Bayambang Police Station na walang kaso ng suicide ngayong 2023 at posible umanong ang tinutukoy ay ang pagpapakamatay ng isang magsasaka noong Enero 2021 subalit dahil sa pananalasa ng harabas o army worms.

Dagdag pa sa FB post, dahil sa pagkalat ng balita ay inatasan ng DILG ang PNP na beripikahin ang ulat.

(ai/mtvn)

Leave a Reply