‘TRANSPARENCY’ MAHALAGANG SUSI SA TAGUMPAY NG MAHARLIKA INVESTMENT FUND

‘TRANSPARENCY’ MAHALAGANG SUSI SA TAGUMPAY NG MAHARLIKA INVESTMENT FUND

MANILA – Nanggaling mismo kay House Speaker Martin Romualdez ang linyang nasa itaas, na siyang titulo ng ika-anim na yugto ng seryeng ito na tumatalakay at nagsisikap na bigyang linaw ang Maharlika Investment Fund.

“Transparency is one of the safeguards put in place in the Maharlika Investment Fund (MIF) bill to ensure it is properly utilized and to prevent being misused by any administration,” wika ni Speaker Romualdez na siyang may akda ng panukalang Maharlika Wealth Fund kasama ang kanyang pamangkin at panganay na anak ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.  na si Sandro, na ngayo’y kinatawan sa Kamara ng Unang Distrito ng Ilocos Norte, at ilan pang kongresista.

Inaprubahan ng super majority sa Mababang Kapulungan noong Dec. 15, 2022 ang naturang panukala na ninombrahan bilang isa sa priority bills ni PBBM.

“During the lengthy and exhaustive plenary deliberations on HB 6608, we have adopted various safeguards to ensure we can achieve the objectives of the Maharlika Investment Fund (MIF), and one of such is a provision to ensure transparency on relevant financial matters pertaining to the MIF,” pagdidiin pa ni Romualdez.

Bukod dito, sa ilalim din mismo ng HB 6608, mayroon itong probisyon na nagsasabing ang publiko ay may karapatang alamin sa pamamagitan ng “freedom of information” ang katayuang pinansiyal ng MIF anumang oras o araw.

Nanggaling ang suhestiyong ito sa isang miyembro ng oposisyon, si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, noong pinagdedebatehan ang individual amendments sa plenaryo sa deliberasyon ng naturang panukala.

Sinabi naman ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda, na siyang chairman ng technical working group (TWG) ng HB 6608, na may “safeguard” na rin ang MIF na makikita sa Section 29 ng panukala ngunit sumang-ayon na rin siya sa suhestiyon ni Castro, na miyembro ng tinatawag na Makabayan bloc sa Kongreso.

“The 3rd reading version now creates a MIF that is significantly more transparent and accountable than the committee report. I am proud of the work of the Technical Working Group, which included recommendations from the minority,” wika ni Salceda sa isang panayam.

Sa ilalim ng Section 43 ng inaprobahang HB 6608, lahat ng dokumento ng MIF at ng Maharlika Investment Corporation (MIC) — ang independienteng kapulungan na siyang mamamahala sa Fund — ay mananatiling bukas, makukuha, at accessible sa publiko.

Kasama sa mga dokomentong ito ang mga sumusunod:

(a) Lahat ng investments

(b) Lahat ng SALNs ( statements of assets and liabilities) ng mga miyembro at opisyal, ng board of directors, ng risk management unit, at advisory board

(c) Lahat din ng SALNs ng mga appointed o mga niluklok na miyembro at opsiyal

(d) Lahat ng audit documents ng internal auditor, external auditor, at ng Commission on Audit

(e) Lahat ng mga katulad na dokomento at impormasyon

Nakasaad din sa panukala na magbibigay ng karampatang records ang MIC sa investment activities nito, ayon sa mga alituntunin ng National Archives of the Philippines.

Ang disclosure rules na nakapaloob sa Republic Act (RA) No. 8799 o ang Securities Regulation Code, Republic Act No. 11232, o ang Revised Corporation Code, at iba pang angkop na batas at regulasyon ay ipapataw sa MIC.

Maging ang Executive Order (EO) No. 2, s. 2016, na nagbigay buhay sa Executive Branch sa constitutional na karapatan ng mga tao sa impormasyon at polisiya ng estado ay sumasaklaw rin sa MIF na naglalayong paigkasin ang ekonomiya ng bansa.

Naglalaan din ito ng 25 percent sa net profits ng MIC para sa social welfare programs o pang-ayuda.

Sa Senado, sinabi ni Senate Minority Aquilino “Koko” Pimentel III na hihilingin niya ang paglilinaw sa pagpapalit-palit ng pangalan ng kontrobersiyal na MIF.

Sa isa ring radio interview, sinabi ni Pimentel na tiniyak sa kanya ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ang naturang panukala ay bibigyan ng Senado ng karampatang pagtalakay at dadaan ito sa tamang proseso at sa iba’t ibang pagdinig na naaayon sa panuntunan ng Senado.

“Lahat ay tututukan, form and substance, name, legislative history and pagbabago ng anyo, pati titulo, dati soverign fund ang konsepto, ngayon Maharlika Investment Fund (MIF) na, titingnan natin ang final na kopya at ikumpara sa orihinal,” wika pa ni Pimentel sa isang panayam sa radyo.

Ayon pa kay Pimentel, ang sovereign Funds ay surplus funds ng isang bansa na pupuwedeng gamitin sa iba pang kapaki-pakinabang na investments. (ai/mtvn)

Leave a Reply