ANG DAHILAN KUNG KAYA ISINULONG NG KAMARA ANG MAHARLIKA INVESTMENT FUND

ANG DAHILAN KUNG KAYA ISINULONG NG KAMARA ANG MAHARLIKA INVESTMENT FUND

MANILA – Maugong ang haka-haka tungkol sa Maharlika Investment Fund.

Ngunit ano nga ba ang dahilan at itinutulak ito ngayon ng Marcos administration?

May lumalabas sa social media na mga balita na maisasaayos ang kalagayan ng Pilipinas sa larangan ng ekonomiya at sa iba pang aspeto bago pa man matapos ang termino ni Presidente Marcos.

Maaaring ito ang dahilan kung kaya isinusulong nga ito ng mga mambabatas sa Kamara. 

Isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ang nagsabi na ang panukalang Maharlika Investment Fund ay dinesenyo upang pakilusin ang mga naipon na kapital ng bansa na tustusan ang pangmatagalang investments sa malalaking imprastraktura at iba pang programang pangkaunlaran ng administrasyong Marcos.

Ayon kay Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte, ang MIF ay labis na makatutulong upang maisakatuparan ni Pangulong Marcos ang kanyang pangako noong kampanya.

Ito’y walang iba kundi ang iangat ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino.

Sa limitadong budget na mayroon ito sa ngayon, imposibleng maisakatuparan ito dahil na rin sa laki ng kantidad na ginugol o gugugulin pa ng gobyerno sa pagtugon sa mga problemang kinakaharap, partikular na ang Covid-19 pandemic.

Kaya ang mambabatas na galing sa Kabikolan ay umaapela sa publiko na suportahan ang naturang panukala pagdating nito sa Senado matapos ang Christmas break.

Magbabalik ang session ng 19th Congress sa Enero 23, 2023, kung saan inaasahan ang agarang pagtalakay nito upang makamit ang tinaguriang “perfect” version ng sovereign fund.

“Our people should give it a try and let the Congress come up with a bill acceptable to the people and with the proper safeguards,” wika ni Villafuerte. “I support Malacañang’s wealth investment plan.”

Wala naman aniyang mawawala lalo na’t naroroon naman ang mga nararapat na “safeguards” para sa sovereign fund. “At the end of the day, it’s up to the Congress to really come out with a good measure.”

Gaya, aniya, ng problemang umusbong dahil sa orihinal na planong paggamit ng Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) pension funds, pati na ang paghirang kay PBBM bilang board chairman ng Fund, na agad na nasolusyunan sa House committee level pa lamang.

Napagpasyahan na hindi na isasali pa ang GSIS at SSS pension funds sa pondo ng MIF.

Bukod pa riyan, napagkasunduan din na hindi ang Presidente ng bansa ang tatayong board chairman kundi ang Finance Secretary sa MIF o Maharlika Investment Corporation (MIC).

Naiangat din ang bilang ng independent directors ng MIC Board mula sa dalawa (2) ay naging lima (5) na ito upang palakasin pa ang partisipasyon ng private sector.

Ayon pa kay Villafuerte, sa ilalim ng House-approved version, kukunin  ang “investible funds” ng MIF mula sa Land Bank of the Philippines (LandBank), Development Bank of the Philippines (DBP), Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) at iba pang hawak ng gobyerno na gaming operators, at dibidendo mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Binanggit din ni Villafuerte na pumapabor din si Asian Development Bank (ADB) Philippine country representative Kelly Bird dahil ayon sa huli, ang sovereign investment fund ay makatutulong sa bansa upang palalimin ang ekonomya at capital market nito.

 “The sovereign fund will create a large institutional investor, and that allows mobilization of savings within the economy for long-term investments including infrastructure,” sabi ni Bird.

Nationwide survey: 50+%

ng mga Pinoy pabor

Natuwa naman si Speaker Martin Romualdez sa resulta ng pinakahuling survey na isinagawa tungkol sa MIF kung saan lumilitaw na mahigit kalahati ng mga Pilipino ay sang-ayon sa pagbuo ng sovereign fund.

“We are happy with the survey, which to us means that we are on the right track in advocating the establishment of this sovereign wealth fund, which is intended to benefit future generations of Filipinos,” wika ni Romualdez.

“It shows that our advocacy has the support not just of major business groups but of the general population as well.”

Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng mobile/social media ng data research firm Tangere mula Dec. 8 hanggang Dec. 10, o limang (5) araw bago inaprubahan ang MIF bill sa Kamara (Dec. 15, 2022).

Sa naturang survey ay may 2,400 respondents: 12 percent ay galing sa Metro Manila, 23 percent mula North at Central Luzon, 22 percent sa South Luzon, 20 percent sa Visayas, at 23 percent galing Mindanao. Mayroong itong margin of error na 2.191 percent.

Ayon kay Martin Peñaflor, chief executive officer at founder ng Tangere, 2,010 or 83.75 percent sa 2,400 respondents ay alam o nakarinig na sa panukalang MIF bill.

Aniya, sa mga respondent na may alam, 54.08 percent ay masigabong sumusuporta sa panukala, 21.84 percent ang medyo may pagtitiwala, 32.24 percent naman ang nagnanais na maisabatas ito, habang 21.34 percent ay neutral at 24.58 percent ang medyo may pagtutol sa MIF bill.

Idinagdag pa ni Peñaflor na 45.87 percent ay sumasang-ayon na gawing contributors ang ilang government institutions habang anim (6) naman sa 10 ang pumapabor na gawing pinuno si Presidente Marcos sa pamamahala ng Fund.

Pagdating naman sa isyu ng pagbabantay laban sa korupsiyon dito ay 22.39% ang medyo naniniwala na magaganap ang pangungurakot at 27.01% ang pabor na maaari itong bantayan sa pamamagitan ng “safety nets.”

Tamang timing

Nasa 65.47% naman ang naniniwala na ang pagbuo ng MIF ay nasa tamang timing habang nasa 56.67% ang nagsabing malaki ang maitutulong nito sa ekonomiya at 57.86% ang nagsabing makapagbibigay ng karampatang pondo ang MIF sa proyekto ng gobyerno.

At higit sa lahat, umabot sa 73.14% ang nagsabing naniniwala sila na dapat lamang na makagawa ng ideya o paraan ang isang gobyerno ng pagkukunan ng salapi maliban sa pagpapataw ng karagdagang buwis.

At sa maniwala kayo o hindi, anim lamang ang kumontra sa Mababang Kapulungan sa MIF habang 279 naman ang “yes” o “affirmative votes” nang aprobahan ito sa ikatlo at huling pagbasa sa Kongreso noong Dec. 15, 2022, matapos itong sertipikahanni PBBM na “urgent.”.

Wala  rin nag-abstain, kung kaya asahan na natin na “smooth sailing” ang magiging biyahe nito sa Senado pagbalik ng session sa Enero 23, 2023. (i/mtvn)

Leave a Reply