MEKANISMO KONTRA KURAKOT DAGDAGAN PA — EKONOMISTA

MEKANISMO KONTRA KURAKOT DAGDAGAN PA — EKONOMISTA

MANILA — Upang masiguro na ligtas sa insidente ng kurakot ang Maharlika Investment Fund (MIF), may isang tanyag na ekonomista ang nagpanukala na kailangang dagdagan pa ang mekanismo ng transparency.

Kung pag-iibayuhin ng mga mambabatas ang transparency, accountability at ang tinatatawag na “full disclosure”, matutukuran umano nito ang mga agam-agam kontra ‘mismanagement’, korupsiyon at iba pang isyung politikal na nakapaligid sa panukalang MIF.

Ang may panukala sa karagdagang mekanismo kontra kurakot ay walang iba kundi si Dr. Michael Batu (https://www.ufv.ca/economics/faculty-and-staff/faculty/batu-michael.htm), isang tanyag na Filipino-Canadian economist.

Kabilang sa kanyang espesyalisasyon ay ang “applied econometrics, applied macroeconomics, at development economics.”

Kailangan, aniya, ng MIF bill ng fine-tuning mula sa aspeto ng pagpapahayag ng mga transaksiyon hanggang sa pamumuhunan upang mailayo ito sa kinahinatnan ng kontrobersiyal na 1Malaysia Development Berhad (1MDB) ng Malaysia.

Ayon kay Batu, nakaroon ng hindi magandang pagpapahayag ng libro nito pati na sa mga pinapasok nitong mga pamumuhunan o negosyo kung kaya bumagsak ang 1MDB sa isang madilim na financial scandal.

“Para ma-trace natin kung mayroong corruption sa mga sovereign wealth fund, kailangang makita natin kung saan dinala iyong pera; kung ano iyong pinag-invest-an,” sabi ni Batu.

“So para makita natin iyan kung ano iyong mga companies na pinag-invest-an, kailangang malaman natin iyong pangalan ng mga companies na iyon,” aniya pa.

“Is the Maharlika Investment Corporation willing to disclose kung saang mga companies nila in-invest iyong pera ng bayan?”

pagdidiin pa niya.

Ang bukas na pagpapahayag sa mga transaksiyon ay makakaiwas, aniya, sa anumang hinala at makatutulong sa pagsubaybay at pag-iwas sa hindi tama o delikadong pamumuhunan.

“Alam naman natin kapag risky may chance na malulugi iyong fund. So, kailangang malinaw sa atin saka sa mga auditors kung saan dinala iyong pera,” paliwanag pa ni Batu.

Isa pang paraan, aniya, upang hindi malugi ang Maharlika Investment Corporation ay ang pagbibigay sa tuwi-tuwina ng financial statements sa publiko upang makita nila kung saan napupunta ang pera sa MIF.

“Gaano kadalas ang reporting? How often are they going to report? Are they going to do reporting every six months or annual? Kailangan malinaw iyon, hindi puwedeng malabo sa batas iyon. Kailangan malinaw kung gaano kadalas silang mag-report,” dagdag pa niya.

Maayos naman, ayon kay Batu, ang mga sovereign wealth fund at epektibo ito hanggang may sinusunod itong mekanismo ng “transparency” at “accountability.”

“Iyong failure ng Sovereign Wealth Fund na iyan, magpi-fail iyan kung magkaroon ng failure in accountability at magkaroon ng failure in transparency; kumbaga may corruption tapos hindi natin kaagad nakita. Ang mangyayari niyan ay magkakaroon ng failure in fund, sayang lang iyong pagkakataon. Kaya habang maaga pa lang, habang dini-deliberate pa lang ito at pinag-uusapan ay pinuhin na natin at ayusin na natin para maging successful itong sovereign wealth fund na ito,” wika pa niya.

‘Iba at bagong pangalan sana’

Pagdating naman sa usaping politikal, nararapat lamang, aniya, na ang pangalan ng Maharlika Investment Fund ay “politically neutral” hanggang maaari.

“Ako ay nagagandahan sa pangalang Maharlika, maganda siyang pangalan, although may mga iba tayong kababayan na kapag narinig na Maharlika ay associated sa mga Marcoses at mayroong nabi-bring na mga positive at negative memories sa pangalan na iyan. Pero kung ako ang tatanungin mo, bakit hindi gawin ang pangalang Maharlika na apolitical,” aniya.

Kung maaari, ang kanyang suhestiyon na bagong pangalan ay “Philippine Strategic Investment Fund.”

Neutral, aniya, ang pangalan na ito at maaaring gamitin ng mga susunod na administrasyon.

Ang usaping ito ay magkakaroon ng kasagutan pagdating ng panukalang Maharlika Wealth sa Senado na tiyak na agad na tatalakayin pagbalik ng session mula sa Christmas Break sa Enero 23, 2023.

Magugunitang inaprubahan na ito ng Mababang Kaulungan noon pang Dec 15, 2022, kung saan nakakuha ito ng sumisingasing na 279 na botong pabor, anim (6) na ayaw at walang abstentions matapos na sertipikahan itong “urgent bill” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (ai/mtvn)

Leave a Reply