MANILA — Mismong si Manila Police District (MPD) Director Police Brigadier General Andre Perez Dizon ang nanguna sa paglulunsad ng “Barkada Kontra Droga” ngayong Linggo (29 Enero 2023) sa Aurora Quezon Elementary School sa San Andres Bukid sa lungsod na ito.
Suportado ang nasabing programa ng Department of Education, Manila Anti-Drug Abuse Office, Philippine Drug Enforcement Agency, at BKD Student Presidents at ng Teacher-Advisers ng 35 public schools na kasali sa Lungsod ng Maynila,.
Kaugnay nito, paulit-ulit din na pinaalalahanan ni Dizon ang mga kapulisan na maging masinop na mga bantay sa mga eskwelahan laban sa mga ipinagbabawal na gamot, mga matatalas na bagay tulad ng kutsilyo, balisong at lalo na ang mga baril, o pen gun na maaaring dalhin ng mga bata pagpasok sa kanilang mga eskwelahan upang maiwasan ang krimen o karahasan.
Naglagay rin ang mga kapulisan ng anunsiyo sa pamamagitan ng pagpapaskil sa bawat entrada o gate ng paaralan ukol sa hotline ng MPD na maaaring tawagan o i-text sakaling may mga emergency situations.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga guro at mga magulang sa inilatag na plano ng mga kapulisan kaugnay sa pananatiling mahigpit na pag-iinspeksyon sa mga bag ng mga bata na papasok sa kani-kanilang mga eskwelahan..
(Benjamin Cuaresma/Amado Inigo/MTVN)