Ni Benjamin Cuaresma
MANILA — Isinugod sa magkakaibang ospital ang may 16 kataong nagtamo ng first degree burn sa mga kanilang katawan bunsod ng pagsabog ng liquified petroleum gas (LPG) sa isang laundry shop.
Dakong alas-7:25 ng gabi ng Lunes (January 30, 2023) nang maganap ang pagsabog ng naturang LPG tank sa isang laundry shop sa Malate, Maynila sa panulukan ng Noi Street, sakop ng Barangay 708.
Agad namang nagresponde ang mga kapulisan ng Manila Police District (MPD) sa pinangyarihan ng pagsabog at sunog sa pangunguna nina MPD Director P/Brig.Gen. Andre Dizon at P/Lt.Co. Salvador Tangdol upang i-secure ang paligid ng pinangyarihan ng insidente.
Dahil sa maagap na pagdating ng may 10 truck na pamatay-sunog ay
madali namang naapula ang apoy bago ito kumalat pa.
Ayon sa team leader ng Arson Division ng Bureau of Fire Protection na si
Senior Fire Officer 4 Edilberto Cruz, bandang alas-7:35 ng gabi nang ideklarang
fire under control ang sunog at dakong alas-7:48 nang ito ay tuluyang maapula.
Pinag-aaralan pa rin ng MPD Police Station 9 ng Malate kung dapat managot
ang may-ari ng laundry shop at magkano ang halaga ng mga naging pinsala
sa insidente.
Bukod sa litrato, mayroon ding kalakip na video ang naturang pangyayari kung saan makikita ang ilang kabataang sugatan na nagtatakbuhan palayo sa pinangyarihan ng pagsabog ng LPG.
(Benjamin Cuaresma/Amado Inigo/MTVN)