MANILA — Malinaw at tumpak ang headline na nabasa po natin sa itaas kung ang pag-uusapan ay ang kahalagahan ng Maharlika Investment Fund sa pamumuhunan o investment ng bansa.
Walang ibang nagsabi nito kundi si Development Bank of the Philippines President at Chief Executive Officer Emmanuel Herbosa.
Malaki, aniya, ang maitutulong sa bansa kung makalulusot sa Senado at tuluyang maisasabatas ngayong taon ang kauna-unahang Maharlika Investment Fund (MIF) na isinusulong ng Marcos administration.
Ano ang maitutulong nito?
Makatutulong itong tustusan ang pamumuhunan ng bansa at suportahan ang paglago ng ekonomiya, paliwanag ni Herbosa.
Ayon pa kay Herbosa, ang pagbuo ng sovereign wealth fund (SWF) ay makatutulong sa pagpapalawak ng bansa sa pamumuhunan nito, lalo na sa mga tinaguriang “critical areas” gaya ng pagkain, tubig, green energy, agro-industrial ventures, telecommunications, public infrastructure at road networks tollways.
“From my personal standpoint, the creation of an SWF is a superb opportunity to address the dearth in sources of long-term capital which is integral to support these capital-intensive investments,” wika niya.
Sinabi pa niya na ang SWF ay nalalapit sa operating principle ng DBP na nakatuon sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng angkop, nasa oras, at makahulugang pagsuporta sa “critical industries and sectors.”
Idinagdag pa niya na ang SWF ay makadaragdag ng “better rates of return” na magreresulta sa mas malaking socio-economic impact sa bansa.
Matapos sertipikahan ni Pangulong Bongbong Marcos na “urgent” ang MIF, lumusot na agad ang House Bill 6608 sa Kamara kung saan solidong 90 percent na mga miyembro ng House of Representatives o 282 ang bilang ng mga lumagda buhat sa 312 na mga kongresista.
Lahat sila ay opisyal na naging co-authors ng HB 6608 na inaprubahan noong Dec. 15, 2022 — 279 affirmative votes, anim na kontra at zero abstention ang pinal na version.
Masusing pag-aaral, fine-tuning
Pero hindi ganoon kadali ang pag-aproba nito dahil dumaan din ito sa mahabang oras ng floor deliberations bukod pa sa masusing refinements o fine-tuning.
“The introduction of additional safeguards in the proposed measure such as heavy scrutiny by the Commission on Audit apart from regular examinations by both an internal and external auditor has assuaged concerns of various sectors and ensures that the fund will be adequately shielded from fraud, abuse, and undue political interference,” wika pa ni Herbosa.
Ginarantiyahan din ni Herbosa na kung masusunod ang mga probisyon ng panukalang batas ay malalayo ito sa korupsiyon o pandaraya ng mga uupong opsiyal nito..
“The provision of sovereign guarantees for specific contributions adds another layer of confidence in the sustainability, reliability, and integrity of the SWF especially in funding projects with long-gestation periods while attracting private sector and even foreign funders that would ensure transparency and greater accountability in managing the fund,” aniya pa. (ai/mtvn)

Si Development Bank of the Philippines President at Chief Executive Officer Emmanuel Herbosa (kanan) habang kausap si Dr. Kao Thach ng Cambodia Royal Government.
