SENATE APPROVAL KRUSYAL SA PAGSASABATAS NG MAHARLIKA INVESTMENT FUND

SENATE APPROVAL KRUSYAL SA PAGSASABATAS NG MAHARLIKA INVESTMENT FUND

MANILA — Matapos nating talakayin ang nilalaman at kahalagahan sa bansa ng Maharlika Investment Fund, atin namang bibigyang linaw ang posibilidad ng magiging biyahe o paggalaw nito sa Senado bago ang implementasyon nito.

Importante ang Senate approval nito dahil hindi ito maisasabatas at magiging ganap na institusyon kung wala itong mandato o basbas na magmumula rito.

At sinisiguro po natin na habang binabasa ninyo itong pang-sampu at huling yugto ng ating serye ay pinag-uusapan na ito at tinatalakay ng Mataas na Kapulungan.

Pagkalusot nito sa Senado, tsaka lamang ito gagawan ng transmittal patungong Malacanang kung saan lalagdaan ito ng Pangulo upang maging isang ganap na batas.

Nasa mga kamay na ng Presidente ang pagnombra o pag-veto nito pagkarating sa kanyang Presidential Desk.

At dahil sinertipikahan itong “urgent” ng Presidente, imposibleng i-veto niya ito sa kadahilanang nagmula mismo ang panukalang batas na ito sa Malacanang bago pa ito naging House Bill na inakda mismo ni Speaker Martin Romualdez, na pinsan ng Presidente, at ng panganay niyang anak na mamababatas na ngayon ng Ilocos na si Sandro Marcos at maraming iba pang kaalyadong mambabatas sa Kamara.

Kasunod nito ay ang paggawa naman ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng MIF, at pagpili ng mga tatayong opisyal.  

Pero ang target talaga nito ay mapalarga ang MIF sa lalong madaling panahon upang lalo pang paigkasin ang dahan-dahan nang bumabangon na ekonomiya ng bansa dahil kapag umandar na ito, mabubuksan ang iba pang oportunidad ng trabaho sa mga tao sa pamamagitan ng panibagong bubuksan na negosyo ng pamahalaang Marcos gamit ang MIF.

Matapos sertipikahan ni Pangulong Marcos na “urgent” ang MIF, lumusot na agad ang MIF (House Bill 6608) sa Kamara kung saan solidong 90 percent na mga miyembro ng House of Representatives o 282 ang bilang ng mga lumagda buhat sa 312 na mga congressmen.

Lahat sila ay opisyal na naging co-authors ng HB 6608 na naaprobahan noong Dec. 15, 2022 na kinakitaan ng 279 affirmative votes, anim na kontra at zero abstention ang pinal na bersiyon.

Bihira mangyari ang ganito karami na lumagda (90%) sa isang panukalang batas sa Kamara.

Hindi lamang sa katotohanan na lubhang marami ang kaalyado ng Marcos administration sa House kundi kumbinsido rin silang lahat sa kahalagahan at kabutihang maidudulot ng MIF sa bansa.

Kagaya ng maraming Pilipino, umaasa rin tayo  sa agarang pag-aproba ng Senado sa naturang panukalang batas.

Ngunit heto ang tanong: Ano nga ba ang tsansa nito na lumusot agad sa Senado?

Una sa lahat, napaulat na binigyang-diin ni Senate President Juan Miguel Zubiri na walang anumang ipinag-utos si Pangulong Marcos  na madaliin ang pagpasa sa Maharlika Investment Fund.

Wala pa ring Senate version ito ngunit sa kanyang personal na pananaw, maganda ang maitutulong nito sa bansa subalit hihimayin muna ito ng Senado at idadaan sa tamang proseso bago manombrahan.

Bago pa man  tayo tuluyang lumayo, himayin muna natin.

Mahalaga ang Maharlika Investment Fund sa pamumuhunan o investment ng bansa, ayon mismo kay Development Bank of the Philippines President at Chief Executive Officer Emmanuel Herbosa.

Malaki, aniya, ang maitutulong sa bansa kung makalulusot ito sa Senado at tuluyang maisasabatas ngayong taon.

Ano ang maitutulong nito?

Makatutulong itong tustusan ang pamumuhunan ng bansa at suportahan ang umuusbong na paglago ng ekonomiya, paliwanag ni Herbosa.

Ang pagbuo ng Sovereign Wealth Fund (SWF) ay makatutulong sa bansa sa pagpapalawak nito ng pamumuhunan lalo na sa mga tinaguriang “critical areas” gaya ng pagkain, tubig, tinatawag na green energy, agro-industrial ventures, telecommunications, public infrastructure at road networks tollways, ayon pa kay Herbosa.

“The introduction of additional safeguards in the proposed measure such as heavy scrutiny by the Commission on Audit apart from regular examinations by both an internal and external auditor has assuaged concerns of various sectors and ensures that the fund will be adequately shielded from fraud, abuse, and undue political interference,” wika pa ni Herbosa.

Ginarantiyahan din ni Herbosa na kung masusunod ang mga probisyon ng panukalang batas ay malalayo ito sa korupsiyon o pandaraya ng mga uupong opisyal nito.

Ayon naman kay Rep. Johnny Pimentel ng Surigao del Sur, kung ilalagay rin ang multibillion-peso funds ng MIF sa infrastructure development projects ay tiyak na makalilikha  ito ng maraming trabaho sa mga tao at magkakaroon sila ng buying power at lalago ang negosyo sa bansa.

“If we look at Indonesia, they are actually using their newly established sovereign wealth fund to attract private partners that can co-invest in developing highly productive infrastructure assets,” wika ni Pimentel.

“New railways, toll expressways, and airports create more jobs that benefit low-income Filipino families. They also expand the markets for small and medium-sized enterprises that comprise 99 percent of all registered businesses in the country,” dagdag pa niya.

“In fact, some of the largest Filipino private conglomerates have found it gainful to embark on tollways and rail transit systems, while others are going into aviation,” pagdidiin pa ni Pimentel na pinatutungkulan ang San Miguel Corp., Metro Pacific Investments Corp. at Aboitiz Equity Ventures Inc.

“We are confident the Senate will pass the bill after giving it a fair hearing and putting in further improvements,” dagdag pa niya nang tanungin naman sa tsansa ng MIF sa Senado na kung susuriin ay kontrolado rin ng mayorya ng mga senador na kaalyado ni PBBM.

Sa madaling salita ay umaasa ang taumbayan na magiging “smooth sailing” ang biyahe ng MIF sa Upper Chamber pagbalik ng sessions nito sa January 23, 2023.

Sa ilalim ng House Bill 6608, ang pondong makakalap ng MIF ay gugugulin sa iba’t ibang pamumuhunan na makalilikom ng long-term social wealth savings na tutugon sa national economic development habang ang 20 porsiyento na malilikom ng Maharlika Investment Corp. – ang itatayong korporasyon na magpapalakad nito (MIF) – ay ipapasa sa national treasury na ilalaan para sa social welfare projects.”

Halos 50 bansa sa mundo ay nagtayo ng wealth funds, na karamihan ay pinopondohan ng extra o surplus government revenues/reserves.

Leave a Reply