Ni Benjamin Cuaresma
ORIENTAL MINDORO — Limang mangingisda ang nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard, Maritime Police, Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office ng bayan ng Bansud, Oriental Mindoro noong Linggo.
Napag-alaman ng mga tauhan ng Maritime Police na lumubog ang gamit nilang fishing boat na “La Kapitana” dahil sa malakas na hangin at malalaking alon ngunit nakuha muna nilang makatawag ng rescue sa PCG kung kaya na-rescue agad ang limang mangingisda.
Matapos makatangap ng emergency call, agad na ikinasa ang Search and Rescue Operation ng pinagsanib na mga tauhan ng Coast Guard Substation-Roxas, Coast Guard K9 Team-Roxas, Coast Guard Special Operation Unit-Roxas, Maritime Police at MDRRMO ng Bansud.
Madali namang natunton ng mga rescue team ang kinaroroonan ng FBCA “La Kapitana” sa karagatang sakop ng bayan ng Mansalay at matiwasay na nailigtas ang limang mangingisda.
Nakilala ang limang mangingisda na sina Edmon Manato (52), kapitan ng bangka; Jayvee Manato (22); Rocky Madera (23); Allen Dela Cruz (23); at Ernie Merida (51).
Sila ay pawang mga residente ng Bansud proper, Oriental Mindoro.
Nakalabas na sa Oriental Mindoro Southern District Hospital nitong Martes, February 21, ang nasabing mgs mangingisda at nasa maayos nang kalagayan.
(Amado Inigo/MTVN)