Wage boards at Kongreso, hinimok na magbigay ng umento sa sahod ng mga manggagawa

Wage boards at Kongreso, hinimok na magbigay ng umento sa sahod ng mga manggagawa

MANILA — Hinimok ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas ang regional wage boards at ang Kongreso na harapin na ang pagbibigay ng umento sa sahod ng mga manggagawa matapos ang pag-anunsyo ng P50,000 “inflation assistance” sa mga kawani ng Senado.

Ayon sa mambabatas, hindi biro ang 8.7% inflation rate na naitala nitong nakaraang buwan na lubhang tumama sa minimum wage earners at ordinaryong mamamayan.

“Kung tinatanggap ng Senado na may epekto ang implasyon sa mga kawani nito, dapat lalong tanggapin natin ang realidad na gumuhit ng malubha ang walang tigil na taas-presyo sa mga manggagawa,” ani Rep. Brosas.

“Dapat nang pag-usapan ang across-the-board nationwide wage increase ng Senado at Kamara para magbigay ng kagyat na alwan sa mga manggagawa sa pribadong sektor. Hindi na pwedeng manahimik pa ang Kongreso at ang Pangulo kaugnay nito,” dagdag niya.

Ayon sa kinatawan ng Gabriela Partylist, ang panukalang umento sa sahod ang dapat na isertipika ng Pangulo bilang urgent sa halip na pamadaliin ang deliberasyon sa mandatory ROTC bill, Charter change at Maharlika Investment Fund.

Nakatakdang maghain ng panukalang signipikanteng umento sa sahod sa pambansang saklaw ang Gabriela Partylist sa mga susunod na araw. (Amado Inigo/MTVN)

Leave a Reply