Ni Benjamin Cuaresma
MANILA — Huli ang dalawang snatcher ng mamahaling hikaw matapos maaktuhan at masakote ng mga nagpapatrolyang mga pulis Manila Police Dstrict sa Taft Avenue at Ayala Avenue, Ermita sa lungsod na ito.
Nakilala ang dalawang suspect na na nag-iiyak pa nang mahuli na sina Jimboy Gadiano y Gasang (28), may asawa, tricycle driver ng Oscares Street Quiapo, Maynila at isang nagngangalang Lucas Bornillo y Talisterio (25), vendor, may asawa at nakatira sa Dos Castillejos Street at Arleque, Quiapo, Maynila.
Ayon sa salaysay ng biktimang si Evalor Dayo y Salipante, 58-anyos, may asawa ng Conception 1, Marikina City, habang sakay siya ng pampasaherong jeep sa kahabaan ng Taft Ave. ay sumabit ang 2 suspects na ayon pa sa kanya ay maluwag naman ang loob.
Nagulat na lamang ang biktima nang biglang hablutin ng mga suspek ang kanyang hikaw na ayon pa sa kanya ay nagkakahalaga ng P17,000.
Naiwan siyang duguan ang kanyang dalawang tainga habang kumaripas naman ng takbo at mga suspek ngunit dahil sa komosyon ng mga pangyayari ay tiyempong naalerto sina P/SSGT. Lester Moretcho, P/CPL. Norman Barit at Pat. Daryl Leyle Cacanindin na lulan ng kanilang motorsiklo at mobile car.
Hindi na nakapalag pa ang mga suspect nang arestuhin at nag-iiyak pa ang isa sa kanila habang isinasakay sa mobile ng mga pulis upang sampahan ng kaukulang kaso.
Panoorin ang kalakip na video. (Amado Inigo/MTVN)