Mataas na halaga ng pagkuha ng driver’s license, hinahanapan na ng solusyon ng LTO

Mataas na halaga ng pagkuha ng driver’s license, hinahanapan na ng solusyon ng LTO

Top Gear Philippines photo courtesy

MANILA — May mga hakbang nang isinasagawa ang Land Transportation Office (LTO) upang tugunan ang mga sentimiyento hinggil sa mataas na halaga ng pagkuha ng lisensya ng pagmamaneho sa bansa.

Isang technical working group (TWG) ang pinabuo ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade nang maupo ito sa tungkulin nuong Nobyembre upang muling mapag-aralan ang mga panuntunan hinggil sa operasyon at halaga ng sinisingil ng mga driving school at medical clinic na may kinalaman sa pagkuha ng driver’s license.

Ang mga sertipikasyon ng pagpasa sa pagsasanay ng driving school gayundin sa pagsusuri ng medical clinic ay kabilang sa mga requirement upang mabigyan ng driver’s license ang isang aplikante.

Sa ngayon ay aabot lamang sa P250 ang sinisingil ng LTO sa pagkuha ng student permit at P685 para sa driver’s license. Gayunman, itinatakda rin ng Republic Act 10930 ang pagkuha ng theoretical driving course (TDC) at practical driving course (PDC) ng mga aplikante bilang requirements upang makakuha ng 5-taong validity ng lisensya.

Ayon kay Tugade, nakapagdaos na ng serye ng konsultasyon sa mga stakeholder mula sa hanay ng driving schools gayundin ng medical clinics kaugnay ng layunin ng ahensya na maging patas at makatwiran ang bayarin ng mga aplikante.

“LTO is aware of the issue of driving schools charging excessively for TDCs and PDCs which is why the agency is continuously conducting consultative meetings with stakeholders related to this activity. What we are proposing, which will be based on the recommendation of the TWG, is a reasonable standard fee-based structure for driving schools aimed for the benefit of the public,” pahayag ni Tugade.

Inihayag ni Tugade na sa ngayon ay nasa proseso na sila ng pagsasapinal ng inamyendahang mga panuntunan upang magpatupad ng standardized rates o iisang batayan ng pagtatakda ng halaga ng mga serbisyo ng driving schools at medical clinics.

“Batid po namin sa LTO ang sentimyento ng ating mga kababayan kaya naman ito’y amin nang pinag-aaralan para solusyunan. Maaaring sa mga susunod na linggo ay makapagpalabas na kami ng nirebisang panuntunan hinggil dito,” ayon kay Tugade.

Hinimok din ng LTO Chief ang publiko na samantalahin ang mga libreng training at theoretical driving course na iniaalok ng mga lokal na pamahalaan at iba pang grupo katuwang ang ahensya. (Amado Inigo/MTVN)

Leave a Reply