Ping Remulla nahalal bilang congressman ng ika-7 distrito ng Cavite

Ping Remulla nahalal bilang congressman ng ika-7 distrito ng Cavite

Ni Benjamin Cuaresma
Feb. 26,2023

CAVITE CITY — Iprinoklama na kaninang umaga ng Linggo (26 Feb 2023) ang bagong halal na Congressman si Crispin Diego “Ping” Remulla para sa ika-pitong distrito ng lalawigan na ito na nabakante ng kanyang amang si Congressman Boying Remulla matapos itong iluklok ni Pangulong Marcos bilang kalihim ng Department of Justice.

Si Atty. Mitzele Morales-Castro, Provincial Election Supervisor ng Cavite, ang siyang nagsagawa ng proklamasyon sa nakababatang Remulla na nakapagtala ng may 98,474 na boto laban sa kanyang mga katunggali sa ginanap na special election kahapon (Sabado, 25 Pebrero, 2023).

Ang ika-pitong distrito ng Cavite ay binubuo ng Amadeo, Indang, Tanza at Trece Martires City, Cavite.

Nahaharap naman sa isang disqualification case si Remulla na isinampa ng kanyang kalaban na si dating Trece Martires Mayor Melencio “Jun” de Sagun noong Febrero 23, 2023 sa opisina ng Comelec sa Intramuros Maynila sa kasong vote-buying/selling.

Ayon kay Comelec chair George Garcia, titingnan muna ng kanyang opisina kung may merito ang kasong isinampa laban kay Remulla.

Samantala, nabatid na 42.11 porsyento lamang na mga botante sa kabuuang bilang na 149,581 ang bumoto sa ginanap na special election sa kabuuang 355,164 na bilang ng mga rehistradong
botante.

Sinabi pa ni Garcia na oras na maibigay na ang Certificate of Proclamation ay dito na aniya magtatapos ang kanilang tungkulin at puwedeng iprisinta ni Remulla sa Kongreso ang nasabing certificate at maaari na siyang makapagsimula ng trabaho sa House matapos na makapag-oathtaking kay Speaker Martin Romualdez.

Mapapanood sa kalakip na video ang iba pang detalye. (Amado Inigo/MTVN)

Leave a Reply