Ni Benjamin Cuaresma
MANILA — Kalaboso ang isang tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) sa kasong pagnanakaw sa isang byaherong Chinese sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport.
Nakilala ang naturang OTS Security Screening Officer na si Valeriano Diaz Ricaplaza, 31.
Iprinisinta sa harap ng media ang suspect ng kanyang hepeng si Usec. OTS Administrator Mao Aplasca matapos na ito ay arestuhin ng mga tauhan ng Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP).
Batay sa imbestigasyon ni OTS Aplasca, kinuha diumano ng suspect ang relo
ng isang pasaherong Chinese national na nagngangalang Sun Yuhong na patungong Hong Kong.
Sa kabila nito, ay mariin namang itinanggi ni Valeriano ang paratang sa kanya
na nagbunsod upang siya ay dalhin sa CCTV room at ireview ang mga
footages ng naturang aksidente at dito na rin nakumpirmang ibinulsa
nga nito ang relo.
Agad namang pinosasan si Valeriano ng mga tauhan ng PNP- Avsegroup
habang patuloy pa ring iniimbistigahan ang kaso ng pagnanakaw.
Hindi na rin nabawi ng biktimang Chinese national ang kanyang nawawalang relo.
Matatandaang kamakailan lamang nitong Pebrero 22, 2023 ay mainit na pumutok ang mga balitang kaso ng pagnanakaw sa NAIA kung saan ang isa ay kinasangkutan din ng screening personnel laban naman sa isang Thai national.
(Amado Inigo/MTVN)