Ni Benjamin Cuaresma
March 3, 2023
TRECE MARTIRES City, Cavite — Patay agad ang isang construction worker nang ito ay tagain ng kanyang kasamahan gamit ang isang lagari nitong Biyernes sa lungsod na ito.
Ang dahilan ay simple lang.
Hindi umano sumang-ayon ang biktima sa usapan nilang magkakasama sa construction site na ambagan sa budget ng kanilang pagkain.
Nakilala ang biktima na si Eddie Bong Abenido Vertodazo, 45 taong gulang,
binata, residente ng Block 157, Lot 23, package 5, Barangay Cabuco,Trece Martires City.
Ayon kay P/SSgt. Larz Salem Celestino ng TMC Police, dakong alas-8:30 ng gabi ay masayang nag-iinuman ang biktima at ang suspect na kapwa mga trabahador sa site sa Lucky Prince Subdivision, Barangay San Agustin, Trece Martires.
Sa kalagitnaan ng kanilang inuman ay nagtalo at nagkainitan ang dalawa
tungkol sa ambag na badyet sa kanilang pagkain na naging dahilan upang tagain ng suspect ng lagari sa leeg ang biktima na agarang namatay sa pinangyarihan ng insidente.
Matapos ang pangyayari ay agad namang tumakas ang suspect, sumakay ng bus patungong Maynila at bumaba sa Manggahan na sakop ng Dasmarinas City at muling bumalik sa harapan ng City Hall ng Trece Martires.
Agaran namang nagsagawa ng follow up operation ang kapulisan
ng Trece Martires at naaresto ang suspect na nakilalang si Tirso Montez,48, tubong Surigao Del Sur, may asawa at isang mason/karpintero na stay-in sa barracks ng construction site.
Ayon sa pagsisiyasat ni P/Lt.Col. Jonathan Asnan. Hepe ng TMC, ang
suspect ay naaresto na rin sa kahalintulad na kaso noong Disyembre 29, 2021
sa Bulacan, Bulacan at may nakabimbing warrant of arrest sa kasong
frustrated murder at parricide. (Amado Inigo/MTVN)