Fire extinguisher sumabog, 1 manggagawa patay

Fire extinguisher sumabog, 1 manggagawa patay

Benjamin Cuaresma
March 3, 2023

MANILA — Hindi na umabot pa sa ospital ang isang manggagawa nang aksidenteng masabugan ito ng canister na metal ng fire extinguisher na kanyang nilalagyan ng laman sa kanyang pinapasukang shop sa Tejeron Street, Sta. Ana, Maynila nitong Huwebes (02 Mar 2023).

Nakilala ang pobreng biktima sa pangalang Emmanuel Boco ng Waling-Waling St. San Andres, Malate, Maynila.

Sa pagsisiyasat ng Manila Police District (MPD) Homicide Section chief na si P/Capt. Dennis Turla, nangyari dumano ang insidente bandang alas-10:30 ng umaga ng Huwebes (02 Mar 2023) habang abala sa kanyang gawain ng pagre-refill ng fire extinguisher (FE) sa warehouse ng kompanyang DFST Fire Protection Product, nang aksidenteng sumabog ang canister ng FE.

Sa kasamaang palad ay tumama ito sa kanyang tagiliran sa malapit sa kanyang kaliwang dibdib.

Maagap namang naitakbo ang biktima sa Santa Ana Hospital ngunit ito ay idineklarang patay na (DOA) ayon sa attending physician na si Dra. Rodette Santos.

Nangangako naman ang may-ari ng kompanya ng DFST Fire Protection
Product na si Dennis Taguiam na sasagutin niya ang lahat ng gastos
ng kanyang empleyado lalo na sa burol at paglilibing nito.

(Amado Inigo/MTVN)

Leave a Reply