Ni Benjamin Cuaresma
March 4, 2023
TANZA,CAVITE — Isang 34-anyos na obrero ang isinugod sa ospital matapos makuryente ngunit siya ay idineklarang dead on arrival (DOA), ayon sa mga attending physicians nitong Biyernes ng umaga (03 March 2023).
Nakilala ang biktimang construction worker na si Ferdinand Tumibay na namamasukan sa isang ginagawang bahay sa Las Brezzas Subdivision, Barangay Tanauan, Tanza, Cavite.
Ayon sa salaysay ng mga kasamahan niya sa trabaho, dakong alas-11:30 ng umaga kamakalawa ay gumamit umano ang biktima ng kuryente sa pangingisda ng pang-ulam sa ilog na malapit sa kanilang barracks sa naturang barangay.
Bago nagtungo sa ilog ang biktima, isinaksak pa muna nito sa kanilang tinitirhang barracks ang isang mahabang wire upang gamitin sa pangunguryente ng isda na pang-ulam.
Sa pagkakataong ito ay nakalimutan ng biktima na habang hawak nito
ang live wire ay nakalubog din ang kanyang dalawang paa sa tubig
na siyang naging dahilan upang ito ay makuryente at mangisay na lamang.
(Amado Inigo/MTVN)