Ni Benjamin Cuaresma
March 4, 2023
MANILA — Sa kanyang “The Capital Report,” inanunsiyo ni Manila Mayor Honey Lacuna na ang lungsod na ito ay nakahanda na sa nakaambang transport strike ngayong linggo.
Aniya, nakaplastar na ang “OPLAN LIBRENG SAKAY” na programa ng lungsod bilang sagot sa napipintong malawakang tigil-pasada ng mga tsuper simula ngayong Lunes (06 Marso 2023).
Tinagubilinan na ng punong-lungsod ng Maynila ang Manila Police District (MPD),
Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at ang Manila Disaster Risk Reduction
and Management Office (MDRRMO) upang magtalaga ng mga sasakyan para sa
mga pasaherong posibleng ma-stranded sa magaganap na tigil-pasada ng
ilang transport group hanggang sa kung kailan matatapos ang naka-schedule na
malawakang strike.
Umpisa alas-5 ng umaga ngayong Lunes ay ilalatag na ang mga
sasakyang inihanda ng pinagsanib na puwersa mga grupo ng gobyerno partikular na ang MPD, MTPB at MDRRMO.
Ayon pa sa alkalde, ang mga sasakyang inihanda ng Maynila ay kinabibilangan ng 10 bus, 17 pick-up trucks, 3 malalaking trucks, 2 transporters at 1 command unit na siyang mangangasiwa sa mga ruta na naririto:
Vito Cruz Taft Ave. hanggang Quezon Blvd.
España Blvd. hanggang Welcome Rotonda
Abad Santos Ave. hanggang R. Papa Rizal Ave.
UN Taft Ave. hanggang R. Papa Rizal Avenue
Recto Ave. hanggang SM Sta Mesa
UN Taft Ave. hanggang P. Ocampo St
Monumento Rizal Ave. hanggang Divisoria
Buendia Taft Ave. hanggang Divisoria
Buendia Taft Ave. hanggang Monumento Rizal Ave
Buendia Taft Ave. hanggang Welcome Rotonda
Mayroon ding nakahandang mga e-trikes para sa mga secondary
roads sa lungsod.
Mula sa Kartilya ng Katipunan ay ang punong lungsod mismo ang siyang mangangasiwa sa monitoring ng mga sasakyang nakadeploy sa mga itinalagang ruta.
(Amado Inigo/MTVN)