By Liza Soriano
MANILA — Ginisa ng mga senador ang ilang opisyal ng Adamson University nitong Martes sa pagdinig nito dahil sa kanilang hindi umano pagkilos sa kabila ng kanilang kaalaman sa presensiya ng Tau Gamma Phi, isang fraternity na hindi opisyal na kinikilala ng paaralan, o sa loob ng campus.
Sa pagdalo niya sa pagdinig ng Senate justice committee, inamin ni Adamson Student Affairs director Atty. Jan Nelin Navallasca na alam niya ang umano’y presensiya ng Tau Gamma sa unibersidad.
Iniimbestigahan ng komite ang pagkamatay ng 17-year-old engineering student ng Adamson na si John Matthew Salilig, tubong Zamboanga, dahil sa umano’y hazing ng mga miyembro ng Tau Gamma sa Laguna noong Pebrero 18.
“So alam pala ninyo na meron niyan, bakit hindi ninyo ni-regulate,” pagdidiin ni Senador Ronald Dela Rosa.
Ayon naman kay Senador Raffy Tulfo, dapat inaksyunan ito ng AdU lalo’t alam nito na may Tau Gamma sa eskwelahan.
“You should have done something, kaso wala kang ginawa,” ani Tulfo sa direksyon ng Student Affairs director.
Depensa naman ni Navallasca, polisiya ng eskwelahan na hindi kilalanin ang mga sorority at fraternity.
“It (Tau Gamma) is not a recognized student organization… It is our policy that we don’t recognize sororities and fraternities in the university,” ayon sa kanya, at sinabing hindi nila mismong kilala ang mga miyembro ng fraternity.
Samantala, sa naturang pagdinig, sumenplang ang lider ng Tau Gamma Phi
nang ipabigkas sa kanya ni Sen. Robin Padilla ang Triskelion Prayer.
Ayon sa TGP lider, hindi niya saulado ang panalangin ng kanilang grupo.