Indian national patay sa 2 holdupper sa Bacoor City

Indian national patay sa 2 holdupper sa Bacoor City

Ni Benjamin Cuaresma
March 9, 2023

MANILA — Kalunos-lunos ang sinapit ng isang Indian national na mas kilala sa mga palengke sa tawag na “Bombay” na nagpapahiram ng puhunan makaraan itong holdapin at tuluyan kitlin ang buhay ng dalawang hindi nakilalang mga salarin umaga ng Miyerules (08 March 2023) sa Bacoor City, Cavite.

Nakilala ang biktima ng kapulisan na si Jatinder Pal Singh, isang 38-anyos na Indiano.

Ayon sa Imbestigasyon ni Corporal Marco Romero Cupo ng Bacoor City, Cavite, dakong alas-11 ng umaga ng Miyerkules nang mangyari ang krimen habang naniningil ang biktima sa kanyang mga pautang na kung tawagin ay “5-6” sa Arevalo Compound, Barangay Real 1, Bacoor City, Cavite.

Dahan-dahan umanong nilapitan ito ng mga suspects at nagdeklara ng holdap.

Matapos holdapin at tangayin ang pera ng biktima ng dalawang salarin ay
walang awang pinaslang pa ang Indiano sa pamamagitan ng pagbaril dito na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Ayon sa hepe ng Bacoor City na si PLt.Col. Ruther Saquilayan, inaalam pa nila kung magkano ang perang natangay sa biktima at kasalukuyang tinutugis ng kanyang tanggapan ang mga hindi pa nakikilalang mga suspek.

Leave a Reply