4 na batang magkakapatid minasaker ng sariling ama na nagpakamatay rin

4 na batang magkakapatid minasaker ng sariling ama na nagpakamatay rin

Ni Benjamin Cuaresma
March 10, 2023

TRECE MARTIRES — Hinihinalang wala sa sariling katinuan ang isang ama na walang habas na pinagpapatay sa saksak ang kanyang apat na anak at saka ito nagpakamatay.

Matapos pagpapatayin ang apat na batang magkakapatid ng kanilang tatay ay kinunan pa umano ng suspek ng larawan ang mga biktima at ipinadala sa kanilang ina sa pamamagitan ng Messenger app at saka naman ito nagpakamatay, ayon sa mga awtoridad.

Nakilala ang suspect na si Felimon Galisanga Escolana, 38, isang tricycle driver.

Ang mga biktimang magkakapatid ay kinilala ng kapulisan na sina Princess Viajan Marie Dona (14), Bianca Rose Bisa (10), Jaclyn Joy Bisa (6) at Conrado Bisa (6).

Sila ay pawang nakatira sa Block 32 Lot 57, Summer Homes, Barangay Cabuco, Trece Martires City kung saan kasama rin nila ang kanilang ama.

Napag-alaman na isang overseas Filipino worker sa Saudi ang ina ng mga bata at anim na buwan pa lamang silang nagsasama-sama matapos na ihabilin nito ang mga bata sa suspect at umalis patungond abroad.

Selos at pera ang naging ugat ng pamamaslang, ayon sa kapulisan.

Ayon sa ulat ng imbestigador na si PSMSgt. Richard Chavez, dakong alas-12:35 ng hapon nang makatanggap ang kanilang tanggapan ng tawag hinggil sa umanoy insidente ng pagpatay sa mga magkakapatid sa loob ng kanilang tahanan sa nasabing address.

Natagpuan na lamang ng mga rumespondeng pulis ang wala nang buhay na mga bata na tadtad ng saksak gayundin ang suspect na ayon pa sa mga awtoridad ay nakabaon pa ang isang kutsilyo sa katawan nito at may nakasulat na suicide note sa dingding gamit ang kanyang sariling dugo.

“Pasensya na mahal kita Vir (pangalan ng ina ng mga bata)…” nakasaad sa mga katagang nakasulat sa dingding sa kanilang silid kung saan naganap ang krimen.

(A. Inigo/MTVN)

Leave a Reply