Ni Benjamin Cuaresma
MANILA — Labis-labis ang paghihinagpis at emotional na ikinuwento ng mga magsasaka ng Batangas ang problemang kinakaharap ng kanilang lupain na anila inabot na ng apat (4) na taon ngunit tila hindi nabibigyan ng pansin ng mga kinauukulang ahensya partikular na ang Department of Agrarian Reform at Department of Environment and Natural Reources.
Ito ang kanilang ibinalita nitong Biyernes sa media forum “Balitaan sa Tinapayan “ sa Sampaloc, Maynila at dito inilahad ng mga kawawang magsasaka na pinangunahan ni Docas Aquino ng Samahang Magsasaka ng Balibago,Matabungkay sa Lian Batangas ang mga problemang kinakaharap nila sa nabanggit na ahensya ng gobyerno.
Ayon sa kanila, tuwing sila ay lumalapit sa naturang mga ahensya ay laging ikinakatwiran na ang mga papeles na kanilang inihain ay naproseso na ngunit magpahanggang ngayon sila ay pinapabalik-balik hanggang sa umabot na ng apat (4) taon at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nareresolba.
Tuloy, hindi maalis sa kanila ang magduda na maaring may nangyayaring sabwatan sa pagitan ng DAR at DENR at developer ng lupang kanilang ipinaglalaban.
Nanawagan ang grupo ni Aquino sa DAR na sila ay mabigyan ng Cease and Decease Order sa dine-develop na 193-ektaryang lupain dahil umabot na sa puntong marami nang mahihirap na pamilya ang na ha-harass at mga kabuhayan na nasira.
Sinabi pa ni Aquino na may isang pamilya na nagngangalang Fernando Pascugin ng Matabungkay ay halos nawalan na ng bait, nagsasalita at tumatawa mag isa dahil sa sobrang sama ng loob at hinagpis sa pagkawala ng mahigit na 200 puno niyang mangga na na-wash out at ng ito ay ipaabot sa kaalaman kapitan, ang tanging sagot sa kanila ay “wala siyang magawa.”
Ayon pa kay Aquino na ang lupang kanilang pinagtatrabahuhan at kinatitirikan ng kanilang mga tahanan ay pag-aari aniya ng gobyerno ngunit sa kabila nito ay patuloy na dinedevelop ng Sta. Lucia Realty South Crest.
“Yan ay hindi lingid sa lahat na oras na walang Conversion Order ay hindi dapat galawin ang mga lupaing yan at ang may hurisdiksyon diyan ay ang DENR,” wika pa ni Aquino.
Anila, ipinaabot na nila sa ahensya ng DENR upang pigilan ang developer para protektahan ang mga puno at mga tao na may problema sa ganitong usapin sa kabila na sila ay may hawak na dokumento.
Ngunit, “tila nagbubulag-bulagan lamang ang nasabing ahensya at walang ginagawang hakbang” anya pa ni Aquino.
Nag-iwan ng mensahe ang grupo ng mga mangsasaka sa media na sana makarating ang kanilang kahilingan kay Pangulong Marcos at umaasang pakikinggan sila sa kanilang mga hinaing na halos umabot sa apat (4) na taon na nilang ipinaglalaban.
(Amado Inigo/MTVN)