Hazing kinondena ng Cavite PNP, pamilya ng biktima nagsampa ng reklamo

Hazing kinondena ng Cavite PNP, pamilya ng biktima nagsampa ng reklamo

Ni Benjamin Cuaresma

IMUS CITY — Labimpito katao na kinabibilangan ng mga opisyal at miyembro ng Cavite Samaritans Eagles Club ang sinampahan ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Law kaugnay sa pagkamatay ng isa sa kanilang “miyembro” sa isinagawang hazing sa Imus City, Cavite, mahigit dalawang buwan na ang nakararaan.

Kasong paglabag sa RA11053 (An Act Prohibiting Hazing and Regulating Other Forms of Initiation Rites of Fraternities, Sororities, and Other Organization, and Providing Penalties for Violation Thereat)
ang isinampa sa City Prosecutor’s Office ng Imus City noong Huwebes (March 23) ng mga magulang ng biktimang si Glen Albert Aguinaldo Binoya, 47, na humihingi ng hustisya sa pagkamatay nito matapos ang ilang buwan nilang pananahimik.

Kinondena naman ni Cavite Provincial Director, Police Colonel Christopher F. Olazo ang pangyayari matapos mapanood ang video sa Facebook ng nasabing initiation rites at ipinag-utos sa Chief of Police ng Imus City Police Station na magsagawa ng malalimang imbestigasyon, parusahan at ikulong kung may pananagutan, makipagtulungan sa pamilya ng biktima at magbigay ng tulong.

Maging ang Cavite PNP ay nagpahayag ng mariing pagkondena sa anumang klase ng hazing na naglalagay sa alanganin ang buhay ng isang indibidwal at hinikayat ang anumang organisasyon , lalong-lalo na ang mga fraternities at sororities, na itigil ang nakasanayan na hazing, bagkus tangkilikin ang halaga ng teamwork at camaraderie.

Matatandaan na noong January 8, 2023 nang magsagawa ng initiation rites ang
grupong Cavite Samaritans Eagles Club sa Southdale International School sa NIA Road, Imus City, Cavite.

Bahagi ng isang pagiging miyembro ng isang aplikante na sumailalim sa initiation rites kabilang ang calisthenics o physical activities sa gitna ng sikat ng araw.

Sinasabing humingi ng tubig ang biktima habang nakakaramdam ng
matinding sakit ng ulo na nagresulta ng “lock-bite bleeding” at pagdurugo ng bunganga.

Isinugod ang biktima sa Ospital ng Imus kung saan na-diagnose ang
Acute Intraparenchymal hemorrhage, pons with extensions and minimal
surrounding perilesional edema.

Inilipat ang biktima sa Imus Doctors Hospital noong March 9, 2023
kung saan ito namatay at ang sanhi ng kanyang kamatayan ay
cerebrovascular accident, at pontine hemorrhages.

(Amado Inigo/MTVN)

Leave a Reply