Ni Benjamin Cuaresma
MANILA — Nailigtas ng Philippine Coast Guard ang 13 turista, kasama na ang operator ng bangkang de motor na tumaob sa katubigang sakop ng Bonbon Beach
sa Romblon nitong Sabado de Gloria (08 April 2023).
Nabatid na habang pumapalaot ang bangkang de motor ay sinalubong ito ng malalaking alon dahilan upang ito ay tumaob.
Agad namang nakapagresponde si CG SN1 Kester Brylle Madali kaya nailigtas agad ang 13 na mga turistang lulan nito.
Samantala, humingi rin ng responde si CG ASN Francis Hedwig Salvador sa beach patrol team-station operation para sa karagdagang reinforcement.
Maging ang iba pang first responders at beach goers ay tumulong sa search and rescue o SAR operations na may 100 meters lamang ang layo sa dalampasigan.
Ayon sa PCG ang mga nailigtas na turista ay nasa maayos na ngayong kalagayan.
Nitong nagdaan na Semana Santa, iniiulat ng Philippine National Police na umabot sa 72 katao ang nasawi, kung saan karamihan sa kanila ay pagkalunod ang dahilan.
(Amado Inigo/MTVN)