NI Benjamin Cuaresma
MANILA — Hindi akalain ng isang obrero na iyun na pala ang huling araw niya sa kanyang pinapasukang construction site nang aksidente itong mabagsakan ng isang mabigat na debris mula sa itaas ng ginagawang gusali.
Nakilala ang biktima na isang nagngangalang Joseph Zamil y Delgado, binata residente ng Waling-Waling Steet, Pingkian Village, Barangay Pasong Tamo, Quezon City. Siya ay tubong-Aklan ayon sa kapulisan.
Alas-9:45 ng umaga nitong Linggo (Abril 16, 2023) nang makatanggap ng tawag sa 911 si PCpl Mark Anthony Gonzalo tungkol sa isang aksidente sa No. 2075 MH Del Pilar Street, Barangay 701, Malate, Manila na agad naman pinuntahan ni Duty Officer PCpl Samuel Cayabyab upang iberipika ang nasabing 911 emergency call at gawan na rin ng imbestigasyon ang insidente.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nakita ng isang nagngangalang Jayson Sandaya na backhoe operator; at nina Mario Lengua Gripal at Joven Mar Turang na pawang
mga crew ng William Hauling Serices, ang buong pangyayari.
Ayon sa mga saksi, nasa pangatong palapag ang biktima sa isang elevator shaft, na kung saan dito pinapadaan ang mga construction materials na manggagaling naman sa itaas na palapag, nang maganap ang aksidente.
Habang nagkakarga ang biktima ng mga basurang construction materials sa
kanilang truck ay aksidenteng nabagsakan ito sa ulo ng isang bagay mula
sa itaas na palapag ng gusali na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Dead on the spot ang biktima at ang kanyang labi ay kasalukuyang nasa Light Funeral Homes, Rizal Avenue Exttension, Maynila.
Ang William Hauling Services na pinapasukan ng biktima ay isang sub-contractor ng JQ International Construction, Inc. ayon sa isang interpreter/trustee na si Mr. Norman Chan.
(Amado Inigo/MTVN)